
Ni NERIO AGUAS
Napigilang makapasok ng Bureau of Immigration (BI) sa Pilipinas ang dalawang dayuhan na pawang registered sex offenders (RSO) sa kanilang mga bansa.
Ayon sa BI, ang dalawang dayuhan na kinabibilangan ng isang US national at isang German national ay pinigilang makalusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa border control and intelligence unit (BCIU), kinilala ang German national na si Maik Bohr, 57-anyos, na dumating sa NAIA sakay ng Cebu Pacific flight mula United Arab Emirates.
Nabatid na nakatanggap ng intelligence information ang BI chief mula sa counterpart nito na nakatakdang dumating sa bansa si Bohr.
“Commissioner Tansingco issued the alert order after the bureau received intelligence information tagging Bohr as being involved in child exploitation and abuse materials,” ayon sa BCIU.
Samantala, ang American national na si Lewis Steven Sterling, 67-anyos, ay naharang matapos dumating sa NAIA sakay ng Eva Air flight mula sa Taipei.
Si Sterling ay napatunayang nagkasala sa kasong aggravated sexual assault sa isang bata sa paglabag sa Texas Penal code noong 1998.
Agad na inilagay sa BI blacklist order sina Bohr at Sterling na awtoridad hindi na makakabalik sa bansa at agad ding pinabalik sa kanilang pinanggalingang bansa.
