MMDA humingi ng tawad kay Senador Bong Revilla

Col. Nebrija, sinuspende

Ni NOEL ABUEL

Napasugod ang liderato ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tanggapan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Senado makaraang tukuyin ng una ang huli na lumabag sa batas trapiko nang dumaan sa EDSA carousel busway.

Labis-labis ang paghingi ng tawad ni MMDA Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija kay Revilla dahil sa idinulot na masamang imahe ng senador sa publiko kung saan umani ng batikos mula sa bashers ang sinasabing special treatment ni Revilla.

Hindi naitago ni Revilla ang galit kay Nebrija dahil sa umano’y pagwasak sa pangalan nito nang walang kadahilanan.

“In the first place wala ako sa Cavite ako, papaano ako napunta sa EDSA Mandaluyong. Sumunod ako sa batas trapiko,” sabi ni Revilla kay Nebrija.

Nilinaw ni Nebrija na hindi nito personal na nakita si Revilla sa loob ng sinitang sasakyan na may plakang 8 at CA kung saan tanging ang traffic officer umano ang nagsabing ang senador ang sakay ng sasakyang lumabag sa EDSA carousel busway

“Sorry, senator, that was not our intention. My judgment was based on the information that was given to me. We have no intention to defame,” sabi ni Nebrija na aminadong nagkamali sa ginawa nito.

“There is absolutely no truth to the malicious report that I was apprehended using the EDSA carousel busway. My daily commute is from the south to the Senate and there is no possibility I will be on EDSA in Mandaluyong. When attending to official functions in the north, I take the skyway from and back to the south,” paliwanag ni Revilla.

“Kung totoo man na may nasita silang gumagamit ng aking pangalan, dapat ay ginawa nila ang kanilang trabaho na tiniketan ang lumabag. I will ask the MMDA to explain why name is being dragged and smeared. Napaka aga naman yata ng paninira,” dagdag ng senador.

Sinabi naman ni MMDA chief Romando Artes na sasailalim sa preventive suspension si Nebrija habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nasabing pangyayari na nadamay ang pangalan ni Revilla.

“We will suspend Col. Nebrija pending investigation, 2 weeks to 30-day,” sabi ni Artes na personal na humingi ng apology kay Revilla dahil sa pangyayari.

Sa huli ay pinatawad ni Revilla si Nebrija at nagkamay sa harap ng mga mamamahayag.

Leave a comment