
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Mark Villar sa dumaraming kaso ng mga batang may iba’t ibang mental health concerns.
Binigyan-diin ng senador na dapat na itong isaalang-alang ng bansa bilang isang pambansang alalahanin, na binanggit ang kamakailang mga kaso ng pagpapakamatay na kinasasangkutan ng mga bata sa paaralan.
“Ang mas nakakabahala sa dumaraming insidente ng suicide ng mga kabataan ay nangyayari na ito ngayon sa mismong loob ng paaralan na dapat ay “safe spaces” para sa mga kabataan bilang kanilang ikalawang tahanan,” ayon sa senador.
Ayon sa ilang siyentipikong pag-aaral, ang pagpapakamatay ay ang ikaapat na nangungunang sanhi ng kamatayan para sa mga kabataan sa buong mundo.
Sa Pilipinas, iniulat ng Department of Education (DepEd) na may kabuuang 404 na mag-aaral ang namatay sa pagpapakamatay noong school year 2021-2022, habang 2,147 ang nagtangkang kitilin ang kanilang buhay sa parehong panahon.
“It is high time that we ask why there is a growing number of suicides among our youth and enact solutions that will help our children deal with various mental health conditions. Coordination among schools and relevant agencies should be our top priority,” sabi ni Villar.
Iniulat ng UP Population Institute na 7.5% o 1.5 na milyong kabataan ang nagbantang wakasan ang kanilang buhay noong 2021 at anim sa sampu ang hindi kumonsulta sa kanilang pamilya at kaibigan.
Bagama’t mayroong mga guidance counselor sa parehong pribado at pampublikong paaralan na tumutulong sa mga bata, iniulat ng DepEd noong 2021 na ang ratio ng mga tagapayo sa mga mag-aaral ay isa hanggang 14,000 dahil mayroon lamang 2,093 na mga guidance counselor sa kabila ng pagkakaroon ng higit sa 28 milyong mga mag-aaral sa sektor ng pangunahing edukasyon.
“Ang kakulangan po ng mga guidance counselors in schools is hampering the mental health services we could have been offering to our students. The difficulty of seeking professional help should be addressed as soon as possible. Kailangan po nating gawin na mas accessible ang mental health consultations and interventions para sa ating kabataan,” paliwanag pa ng senador.
Alinsunod dito, naghain si Villar ng ilang panukalang batas upang matulungan ang publiko, partikular ang mga kabataan, sa pagtugon sa mental health concerns kabilang ang Senate Bill No. 2062 o ang Comprehensive Mental Health Benefit Act na naglalayong palawakin ang health benefit packages ng PhilHealth upang isama ang lahat ng mental health concerns, kasama ang mga menor de edad, maging kung ang kanilang mga magulang ay miyembro o hindi.
Ang isa pang panukala, ang Senate Bill No. 1637 o ang Sikolohista Para sa Bayan Act
na naglalayong kumuha ng hindi bababa sa isang psychologist bawat LGUs.
Inihain din ni Villar ang Senate Bill No. 1669 o ang Act to Provide Early Youth Suicide Intervention and Prevention Expansion na naglalayong magbigay ng kinakailangang pagsasanay at kamalayan sa mga kinauukulang stakeholders sa loob ng paaralan at ang pagtatrabaho ng mga psychologist sa bawat paaralan.
“Ang ating hangarin na palakasin ang ating ekonomiya ay para sa kapakanan ng ating kabataan. Hindi natin maabot ang layuning ito kung hindi natin sila mabibigyan ng proteksyon mula sa mga bagay na maaring nagiging sanhi upang sila ay mawalan ng pag-asa sa buhay,” pahayag nito.
