
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na kailangan ng pamahalaan na maghanap ng paraan para tiyaking may sapat na pondo ang compensation programs para sa mga biktima ng 2017 Marawi Siege.
Sa interpellation nito sa budget deliberation sa 2024 budget ng Marawi Compensation Board, ipinunto ni Padilla na dapat madaliin ito dahil hindi pa nawawala ang banta ng dayuhang terorismo na akitin ang mga lugmok pa sa kahirapan.
“Itong terorismo na nakapasok sa ating bansa at ito ay foreign at ito di nawawala ang threat. Nandito pa ang threat na ito. Hanggang ang pinangako natin na mga makukuha nilang masasabi nating compensation sa gobyerno hanggang di natin nabibigay, lumalakas ang threat na ‘yan sapagka’t ‘yan ang gagamitin ng mga terorista para kumbinsihin pa ang mga bata kasi ang karamihan sa naimpluwensyahan ng teroristang ito mga bata, sila ang kinamkam ang pagiisip at naniwala sa ideology na terorismo,” aniya.
“Hindi ito usapin ng pulitika o batas, usapan ito ng pagiging magkakapatid… Pinag-uusapan natin dito faith, pananampalataya natin, brotherhood, sisterhood. Hirap ang national government na humanap ng pera, paabutin ba natin sa punto na ang kapatid natin maghihintay parang kawawa, meron naman tayong pera?” dagdag ni Padilla.
Ani Padilla, sa pag-uusap nito sa Marawi Compensation Board, kulang ang P1-bilyong budget nito dahil nauubos ito sa tatlo o apat na buwan.
Dahil dito, iginiit ng senador na maghanap ng ibang panggagalingang pondo, kasama ang P6 bilyon na unprogrammed funds, para sa compensation efforts.
Mahalaga rin aniya na tiyaking ang mga naapektuhan ng Marawi Siege ay mabigyan ng livelihood.
Ani Padilla, dapat ma-explore ang “non-monetary programs” na iniisip ng MCB, lalo na sa pakikipag-ugnayan sa Ministry of Social Welfare and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros na nag-sponsor ng MCB budget, plano ng MCB na bigyan ang tumanggap ng compensation ng financial literacy skills training.
Dagdag ni Hontiveros, nag-explore din sila ng dagdag na panggagalingan ng pondo para sa MCB para magawa nito ang trabaho nito.
Aniya, tinitiyak ng MCB ang compensation para sa non-Muslim na biktima na halos 90 porsiyento ng death claims ay para sa non-Muslim laborers.
Ani Hontiveros, ang unang batch ng tatanggap ng tulong ay mga may death claims, at may commemorative program para maibigay ang unang batch ng awards – na sabay sa anibersaryo ng paglaya sa Marawi.
