
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Nancy Binay na kailangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na linawin ang mga panuntunan at direktiba nito kaugnay sa nakatakdang Liga ng Mga Barangay at Sangguniang Kabataan federation elections.
Ayon kay Binay, upang magkaroon ng maayos at walang kinikilingan na electoral conduct sa buong bansa, dapat tiyakin ng DILG na ang darating na halalan ng Liga at SK Federation ay libre at independiyente sa anumang impluwensyang politikal.
“Kailangan nating tiyakin na ang magiging resulta ng eleksyon sa Sangguniang Kabataan Federations, at sa Liga ng Mga Barangay ay maayos, malinis at walang bahid ng impluwensya. Let’s start with a clean slate with our youth leaders and barangay executives—panatilihin natin ang integridad ng proseso sa pagpili ng mga bagong kinatawan sa ating mga konseho bilang mga ex-officio,” paliwanag pa nito.
Isinasaad sa Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991, ang pangulo ng LnB at ng SK Federation na nahalal ng kani-kanilang chapters na magsisilbi bilang ex-officio members ng kanilang local Sanggunian.
Ang halalan ng mga opisyal ng federation at Liga ay alinsunod sa LGC na nagtatakda para sa organisasyon ng LnB at SK Federation chapters sa munisipalidad, lungsod, probinsiya at metropolitan levels.
“Most of the time, local politics often exert a material impact on the results of elections. This is why we request the DILG to ensure that past issues such as patronage politics, political accommodation, electoral misconduct, and the like do not recur, in our intent to uphold fairness and justice in the electoral process,” sabi ni Binay.
Idinagdag nito na ang mga bagong halal na opisyal ng barangay at mga lider ng kabataan ay hindi dapat madala sa partisan politics o sa anumang political pressure.
“It would be a big help if the DILG can also look into reported misconducts and other forms of malpractices being posted in social media. I hope the DILG will act on these reports as may be necessary and appropriate,” aniya pa.
May mga ulat aniya na ang ilang mga kandidato ay inilagay na o epektibong hinirang upang magsilbi bilang mga ex-officio members ng kani-kanilang mga konseho nang walang benepisyo ng anumang halalan gaya ng itinatadhana sa RA 7160.
Ngayong taon, ang halalan sa Liga chapter at SK Federation ay lalahukan ng lahat ng punong barangay/barangay chairmen, at mga opisyal ng SK na nahalal noong Oktubre 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
