
Ni NOEL ABUEL
Pinapurihan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang dalawang nuclear agreements na naselyuhan ng Pilipinas at ng Estados Unidos na naglalayong palakihin ang suplay at pababain ang presyo ng kuryente sa bansa.
Personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang makasaysayang paglagda sa kasunduan sa pagitan ng Meralco at Ultra Safe Nuclear Corporation (USNC) para sa pagtatayo ng Micro-Modular Reactors (MMRs) sa Pilipinas.
Nakatakda ring lumagda ang Pilipinas kasama ang pamahalaan ng Estado Unidos sa sideline ng pakikibahagi ng Presidente sa Asia Pacific Economic Cooperation summit sa San Francisco ng 123 Nuclear deal o “peaceful nuclear cooperation agreement.”
“The partnership between Meralco and USNC is a game-changer for the Philippines’ energy landscape. Micro-Modular Reactors represent a paradigm shift in delivering cheap, safe, reliable, and scalable nuclear energy,” sabi ni Romualdez.
“This initiative aligns with our President Marcos, Jr.’s commitment to diversify our energy sources to fuel economic growth and at the same time address the challenges of climate change,” dagdag pa ni Romualdez, lider ng higit 300 kongresista.
Magugunitang sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na panahon na upang muling pag-aralan ang paggamit ng nuclear energy sa bansa upang makahikayat pa ng mga mamumuhunan at masiguro ang sapat na supply ng kuryente sa bansa at mapababa ang presyo nito.
Sa ilalim ng cooperative agreement ng Meralco at USNC magsasagawa ng komprehensibong Pre-Feasibility Study para alamin ang potensyal ng paggamit ng MMRs sa Pilipinas.
Inaasahang matatapos ang pag-aaral sa pagtatapos ng ikalawang bahagi ng 2024 kung saan susuriin ang epekto sa kalikasan at lipunan, capital expenditure at halaga ng pagpapatakbo nito.
Sa mensahe ng Pangulo sa seremonya, tinuran nito ang Cooperative Agreement bilang isang progresibong direksyon para magkaroon ng malinis na enerhiya sa Pilipinas
Ayon dito ang ugnayan ng Meralco-USNC ay patunay ng pagnanais ng gobyerno na mabigyan ng maayos na kinabukasan ang mga Pilipino.
Samantala, tinukoy rin ni Romualdez na ang 123 Nuclear Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay isang mahalagang marka sa pagpapalakas ng istratehikong ugnayan para mapaunlad ang kakayanan ng Pilipinas pagdating sa enerhiya.
Ilalatag ng “123 Agreement” ang mga legal na basehan para sa civil nuclear energy cooperation at pahintulutan ang pag-expert ng nuclear fuel, reactors, kagamitan at iba pang special nuclear material mula US patungong Pilipinas.
Ipinaabot ni Romualdez ang pasasalamat sa lahat ng partido sa makasaysayang kasunduan gayundin sa pinagsamang hangarin ng gobyerno ng US at Pilipinas, Meralco, at USNC.
“Today marks a significant leap forward in our journey towards a sustainable and resilient energy future. These agreements are a testament to our shared commitment to advancing technology and fostering collaborations for the greater good of our nation and the global community,” sabi niya.
