
Ni NERIO AGUAS
Aabot sa mahigit sa 9,000 indibiduwal ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na ginanap sa Bukidnon State University (BukSU).
Nanguna ang Department of Labor and Employment (DOLE-X) sa pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan sa 9,246 disadvantaged informal sectors at mga intern worker ng lalawigan.
Sa bahagi ng DOLE, pinangunahan ni DOLE-X Regional Director Atty. Erwin N. Aquino ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na nilahukan ng 40 ahensiya ng pamahalaan na nagbigay ng mahigit 160 serbisyo at interbensyon para sa 80,000 mamamayan ng lalawigan.
Ang BPSF ay isa sa mga inisyatibong proyekto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na nag-aalok ng libre hanggang sa minimal na bayad para sa isang pangkalahatang serbisyo mula sa kalusugan, proteksyong panlipunan, agrikultura, kabuhayan, edukasyon, regulasyon, legal, pinansyal, at iba pa.
Itinampok ng DOLE-X sa unang araw ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced workers (TUPAD), kung saan ipinamahagi ang sahod para sa 2,845 benepisyaryo sa BukSU at 1,372 naman mula sa iba pang lugar ng lalawign ang tumanggap ng kanilang sahod.
Nagbigay rin ng TUPAD orientation sa 2,123 benepisyaryo sa nasabing lugar, at 1,280 benepisaryo offsite, upang palakasin at palawakin ang programa sa lalawigan.
Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), nagkaloob din ng tulong sa 1,442 impormal na manggagawa ng lalawigan sa pagsulong ng pangako ng kagawaran na bigyang-lakas ang mga manggagawa sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan.
Nakatanggap naman ang 184 benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) ng kanilang stipend bilang suporta ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng kasanayan at mga oportunidad sa trabaho.
Sa ginanap na pagpupulong, pinasalamatan ng DOLE-X ang mga kaagapay ng kagawaran para sa maayos na implementasyon ng TUPAD at iba pang programa at serbisyo ng DOLE sa lalawigan.
Tiniyak din nito sa mga mamamayan ng lalawigan ang patuloy na suporta ng DOLE para sa kanilang inklusibong pag-unlad.
