
Ni NERIO AGUAS
Naglabas ng paalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers sa pribadong sektor na ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa nang hindi lalampas sa ika-24 ng Disyembre 2023.
Sa utos ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma base sa Labor Advisory No. 25, Series of 2023, noong ika-8 ng Nobyembre, pinaalala nito sa mga employer at manggagawa ang tamang pagkuwenta ng nararapat na benepisyo alinsunod sa Labor Code of the Philippines at Presidential Decree No. 851.
Ang huling nabanggit ay partikular na nag-uutos sa lahat ng employer na bayaran ang kanilang mga empleyado ng 13th-month pay.
Sa nasabing Labor Advisory, muling ipinapaalala na dapat bayaran ng mga employer ang 13th month pay ng mga rank-and-file na manggagawa sa pribadong sektor anuman ang kanilang posisyon, pagkatalaga, o katayuan sa trabaho, at anuman ang paraan ng pagbabayad ng kanilang mga sahod, sa kondisyon na sila ay nagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan ng calendar year.
May karapatan din sa nasabing benepisyo ang mga rank-and-file na empleyado na binabayaran ng piece-rate basis, fixed, o guaranteed wage plus commission; iyong may multiple employer; mga nag-resign; mga natanggal sa trabaho; o iyong mga naka-maternity leave at nakatanggap ng salary differential.
Nakasaad sa advisory na ang pinakamababang 13th month pay ay hindi bababa sa one-twelfth (1/12) ng kabuuang buwanang sahod na kinita ng isang empleyado sa loob ng calendar year na kukuwentahin ayon sa sumusunod:
*Kabuuang buwanang sahod / 12 buwan = ayon sa proposyon na 13th month pay
Nilinaw rin ng DOLE na hindi nito papayagan ang mga kahilingan para sa eksempsyon o pagpapaliban sa pagbabayad nito.
Upang masubaybayan ang pagbabayad ng 13th month pay, inatasan ang mga employers na magsumite ng ulat sa pamamagitan ng DOLE Establishment Report System nang hindi lalampas sa ika-15 ng Enero 2024.
Dapat nakasaad sa ulat ang pangalan ng establisimiyento, address, pangunahing produkto o negosyo, kabuuang trabaho, kabuuang bilang ng mga manggagawang nakinabang, ang halagang ipinagkaloob sa bawat empleyado, at ang kabuuang halaga ng mga benepisyong ipinagkaloob.
Para sa karagdagang katanungan sa 13th month pay, pinapayuhan ang publiko na tumawag sa DOLE Hotline 1349.
Maaari ring tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, 8 AM hanggang 5PM.
Maaari ring magpadala ng katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa hotline1349@dole.gov.ph o direktang mag-mensahe sa Facebook Page ng DOLE.
