Freight services sa relief goods delivery ilibre — Rep. Villar

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Las Piñas Rep. Camille Villar ang panukala na humihiling ng pagbibigay ng libreng serbisyo sa relief organizations na sangkot sa transportasyon ng mga emergency goods at nag-donate ng mga gamit sa mga lugar na inilagay sa ilalim ng state of calamity.

Sinabi ni Villar na ang pagsang-ayon na ilibre ang freight forwarder, common at private carriers, at iba pang kumpanya na magbibigay ng logistic services nang walang bayad sa mga relief organization na nagdadala ng mga relief goods at donasyon ay isang makataong aksyon.

“It is utterly challenging for impacted individuals to bounce back from calamities, and the most immediate support that they can get should not go unhampered by freight cost consequences,” sabi ng kongresista.

“It would be a form of commitment and willingness to help on the part of freight companies and carriers to help the affected communities in times of calamities by foregoing freight costs,” dagdag pa ni Villar.

Sinabi ni Villar na ang batas ay magpapalakas din sa diwa ng bayanihan sa mga Pilipino na ang mga kagyat na pangangailangan ng mga taong naapektuhan ng mga ganitong sakuna ay agad na ibinibigay—kapwa ng gobyerno at pribadong sektor—sa pinakaekonomiko, maaasahan, mabilis, at ligtas na paraan.

Sa ilalim ng House Bill No. 9345, o ang Free Transportation of Relief Goods Act, inaatasan ang Office of the Civil Defense (OCD), ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at ang Department of Transportation (DOTr), sa tulong ng Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders at iba pang kumpanya na magkakaloob ng logistic services, na magbigay ng freight services nang walang bayad sa mga registered relief organizations na kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Gayundin, ibinibigay rin na ang shipping auxiliary costs sa pagpapadala tulad ng mga arrastre services, pilotage, at iba pang mga singil sa pantalan na regular na ipinapasa sa mga customer ay dapat na walang bayad.

Inaatasan ang NDRRMC na magbigay ng tulong sa seguridad at traffic management sa mga relief operations upang mapadali ang paggalaw ng mga tao, mga kalakal at kagamitan sa mga apektadong populasyon at mga rumespondeng ahensya.

Ang mga ahensyang magpapatupad ng panukala ay ang DOTr, sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), Maritime Industry Authority (MARINA), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Sa panahon ng kalamidad, mahalagang magtulungan ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa pagsisiguro na mabilis at agarang makararating ang mga relief goods at donasyon para matulungan ang mga pamilyang nasalanta ng anumang disaster, maging ito man ay bagyo, lindol, baha o pagsabog ng bulkan,” pahayag pa ni Villar.

“Sa sama-sama nating aksyon, masisiguro natin na magiging maayos ang lagay ng mga taong nangangailangan ng ating tulong. Our collective action will not only save their lives, but also help them rise up and recover,” dagdag pa nito.

Leave a comment