
NI NOEL ABUEL
Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Senador Win Gatchalian na pondohan ang sertipikasyon ng mga mag-aaral sa Grade 12 na nasa technical-vocational-livelihood (TVL) track na makakatulong upang itaas ang tsansang makapasok sa magandang trabaho ang mga mag-aaral.
Iminungkahi ni Gatchalian, ang chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang paglalaan ng P438.16 milyon sa ilalim ng development regulatory program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Gagamitin ang naturang pondo para sa assessment at certification ng tinatayang 420,967 mag-aaral sa Grade 12 na nasa TVL track.
Matatandaang pinuna ng senador ang tinatawag nitong dead end para sa mga mag-aaral ng senior high school na nasa TVL track.
Base sa datos ng Department of Education (DepEd) para sa School Year (SY) 2020-2021, 6.7% lamang o 32,965 sa 473,911 graduates ng senior high school sa TVL track ang dumaan sa assessment para sa national certification kung saan 31,933 o 97% ang pumasa.
“Ang nagiging sagabal sa pagkuha ng assessment para sa national certification ay ang gastos na nagkakahalagang P760 hanggang P1,370. Mahalagang hakbang ang paglalaan natin ng pondong ito sa certification ng ating mga senior high school graduates upang magkaroon sila ng magandang trabaho,” ani Gatchalian sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng TESDA para sa taong 2024.
Ayon din sa pananaliksik ng tanggapan ng senador, 50% ng mga senior high school TVL graduates ang nagtatrabaho sa mga elementary occupations, o mga trabaho na nasa pinakamababang kategorya pagdating sa skills requirement.
Inihalimbawa nito ang mga trabaho ng mga street vendors, cleaners, domestic helpers, car at window washers, at street sweepers.
Ani Gatchalian, isa na naman itong pahiwatig na hindi natupad ang pangako ng sistema ng edukasyon na ihanda ang mga senior high school graduates para sa trabaho o sa pagnenegosyo.
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act o ang Senate Bill No. 2367 na layong ihanda ang mga senior high school graduates para sa kolehiyo, middle-skills development, trabaho, o pagnenegosyo.
Iminumungkahi rin ng panukalang batas ang libreng national competency assessment para sa mga senior high school learner ng DepEd.
