
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang Japanese national na wanted sa bansa nito makaraang tangkaing tumaks sa bansa.
Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Saito Shimoeda, 25-anyos, na nagtangkang tumakas sakay ng Cebu Pacific flight patungong Nagoya, Japan.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na nang matuklasan ang alert list order ni Shimoeda at gumamit ng mga nakaaalarmang taktika, sinadya nitong iuntog ang kanyang ulo sa immigration counter at nagkukunwaring balisa.
Nabatid na kinumpirma ng BI on-duty supervisor na si Shimoeda ay may warrant of arrest na inisyu ng Tokyo Summary Court dahil sa pagiging bahagi ng isang malakihang telecom fraud group.
Ayon pa kay Tansingco, ang nasabing dayuhan ay nagtatrabaho bilang fraudulent caller ng criminal group na nambibiktima ng mga kababayan nito sa ibang bansa.
Sa record ng BI, si Shimoeda ay dumating sa Pilipinas noong 2019 at mula noon ay hindi na nag-renew ng dokumento.
“The incident serves as a stern warning to foreign fugitives that the Philippines is not a safe haven for those attempting to escape legal repercussions in their home countries,” ayon pa dito.
“We urge foreign nationals to respect Philippine laws and warn that the government is committed to cooperating with international authorities to ensure the swift and just resolution of such cases,” dagdag pa ng BI chief.
Ang naarestong pugante ay inilagay sa blacklist order at ngayon ay itinuring na undesirable alien ng Pilipinas at kasalukuyan itong nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inihahanda ang pagpapatupad ng kanyang deportasyon.
