
Ni NOEL ABUEL
Kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang naunang pagbili ng Bureau of Customs (BOC) ng mababang kalidad na mobile X-ray equipment mula sa China na mayroong overpriced na maintenance cost.
Sa ginanap na deliberasyon sa Senado ukol sa panukalang 2024 budget ng BOC, inusisa ni Tulfo kung bakit pinili ng BOC na bumili ng kagamitan mula sa China kaysa sa mga tatak mula sa ibang bansa tulad ng US na mas mura at may magandang kalidad.
Magugunitang noong 2016, nagbayad ang gobyerno ng Pilipinas ng P7.953 bilyon sa Chinese firm na Nuctech Co. Ltd. para sa 30 unit ng mobile X-ray equipments sa pamamagitan ng loan agreement sa Chinese government.
Kahit na na-flag na ng Commission on Audit (COA) ang nasabing pagbili ay “exorbitantly overpriced” ng P4.215 bilyon, binili pa rin ng BOC ang parehong modelo noong 2020.
Binigyan-diin ni Tulfo na ang BOC ay nagbabayad ng humigit-kumulang P700 milyon bawat taon para sa maintenance ng nasabing kagamitan mula sa Nuctech at hindi pa kasama rito ang pagpapalit ng mga piyesa.
Isa pa sa kinuwestiyon ni Tulfo ay ang patuloy na pagbabayad ng BOC para sa maintenance ng mga kagamitan kahit na non-operational.
Ayon naman kay Commissioner Bienvenido Rubio, sa 26 na makina, 2 ang non-operational at hinihiling pa ng BOC na i-upgrade ito.
Inirekomenda ni Tulfo na i-dispose na ang mga non-operational machines at sa halip ay bumili ng mas murang equipment mula sa mga reliable brand mula sa ibang mga bansa tulad ng US.
Isa pang isyu na binanggit ni Tulfo ay ang talamak na smuggling ng mga produkto at iba pang kontrabando sa pamamagitan ng misdeclaration.
Hinimok ng senador ang BOC na tugunan ang isyung ito, at binanggit bilang halimbawa ang mga mamahaling sasakyan na nakapasok sa bansa nang walang rekord sa Customs.
Sa mga ganitong kaso halimbawa aniya, ang mga smugglers ay magdedeklara ng mga bagay bilang pick-up truck upang maiwasan ang pagbabayad ng excise tax dahil ito ay itinuturing na isang bagay na kailangan para sa kabuhayan.
Sa huli, sinabi ni Tulfo kay Rubio na linisin ang kanyang sariling bakuran para matigil ang smuggling.
“Maglinis kayo ng mga tao niyo diyan sa BOC. ‘Yung mga smugglers, may mga kasabwat o partners mismo na mga empleyado ninyo sa Customs kaya laganap pa rin ang smuggling,” giit pa ng senador.
