
Ni NERIO AGUAS
Ibinunyag ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na gumagamit na ang mga illegal recruiters ng mga katawa-tawang kuwento upang tangkaing lumusot sa immigration counters.
Inihalimbawa ni Tansingco na noong Nobyembre 14, isang babaeng biktima ang nagtangkang sumakay ng Philippine Airlines flight papuntang Singapore sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Napansin ng BI personnel na ang biktima ay nagpakita ng mga kredensyal sa pagbabalik sa pangalan ng ibang tao.
Ang biktima ay inutisan ng kanyang recruiter na sabihin na ito ay nagtatrabaho sa isang merchandise company sa Pilipinas, at binigyan pa ito ng mga pekeng dokumento sa bangko na may malinaw na grammatical errors.
Nang maglaon ay natuklasang ito ay na-recruit para magtrabaho bilang isang entertainer sa isang bar sa Singapore.
Ibinahagi rin ni Tansingco na kinabukasan, isa pang babaeng biktima ang nagsabing ito ay nanalo sa isang raffle na isinagawa ng isang travel agency.
Iniulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na tinangka ng biktima na umalis papuntang Singapore sa pamamagitan ng Eva Air flight papuntang Singapore sa Clark International Airport (CIA).
Sinabi ng biktima na nanalo ito sa isang raffle contest na itinataguyod ng isang travel agency na nakabase sa Dubai at nabigyan umano ito ng holiday package, kasama ang plane ticket at tatlong araw na hotel accommodation sa nasabing lugar.
Gayunpaman, nang tanungin tungkol sa mga pangunahing detalye tungkol sa paligsahan, nabigo ang biktima na ipaliwanag kung paano ito nanalo o kung paano siya idineklara na panalo.
“There have been many cases of illegal recruitment victims who were initially sent as tourists before they end up working or are flown to a third country for employment,” sabi nf BI chief.
Sinabi ni Tansingco na ang dalawang biktima ay itinurn-over na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para simulan ang imbestigasyon laban sa kanilang mga recruiters.
