2 US nationals pinigilang makapasok sa paliparan ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang US national na nagtangkang pumasok sa bansa sa kabila ng kasama ito sa blacklisted ng ahensya.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Jared Allen Kasper, 40-anyos, na naharang sa NAIA Terminal 1 matapos lumapag ang sinakyan nitong Philippine Airlines flight mula Los Angeles, California.

Sinabi ni Tansingco na Oktubre 25 nang ilabas nito ang blacklist order laban kay Kasper matapos makatanggap ng reklamo mula sa tatlong Pinay na dumanas ng pang-aabuso dito.

“The complainants alleged that there were at least 20 Filipino women who were victimized by him but only the three of them filed a formal complaint,” sabi ng BI chief.

Isinalaysay ng mga babae kung paano nila nakilala si Kasper sa pamamagitan ng isang online dating app, at nangako itong pakakasalan ang bawat isa sa kanila kung makikipag-date at makikipagtalik.

Sa reklamo pa ng mga Pinay, pagkatapos na makipagtalik ang mga ito kay Kasper, ay puwersahang kukunan pa ng litrato nang hubo’t hubad, na sinasabing gagamiting souvenir.

At nang mabuntis ang ilan sa mga ito ni Kasper ay iniwan at inabandona nito.

Sa datos ng BI, dumating sa bansa si Kasper noong Hulyo 21 at umalis noong Agosto 3 at nang tangkain nitong bumalik sa Pilipinas ay nagulat ito nang malamang naka-ban at isa nang undesirable alien.

Samantala, isa pang US national ang hinarang ng border control and intelligence unit (BCIU) dahil sa blacklisted na ito tatlong taon na ang nakalilipas kaugnay ng pagiging registered sex offender.

Wala nang nagawa pa ang 68-anyos na si William Calloway Shaw nang pigilan ng BI personnel na makapasok sa Mactan-Cebu International Airport noong Nobyembre 13 matapos dumating sakay ng Korean Airlines flight mula Incheon.

Leave a comment