
Ni NERIO AGUAS
Pinigilang makalabas ng bansa ang isang Japanese national makaraang tangkaing palusutan ang Bureau of Immigration (BI) gamit ang pekeng Special Resident Retiree’s Visa (SRRV).
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Yoshiaki Nakamura, 64-anyos, na napigilang makasakay sa Philippine Airlines flight patungong Osaka, Japan noong nakalipas na Nobyembre 19 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na inirekomenda ng primary inspector sa secondary inspection si Nakamura dahil sa pagdududang hawak na visa nito.
Matapos ang validation mula sa forensic laboratory ng ahensya, nabunyag na peke ang SRRV visa na nakadikit sa pasaporte ng dayuhan.
Bilang tugon sa insidenteng ito, nagbigay si Tansingco ng mahigpit na babala sa lahat ng mga dayuhan na binibigyan-diin ang bigat ng pagkakaroon ng mga pekeng dokumento.
“Such actions violate Philippine immigration laws and warrant serious consequences. We remain committed to safeguarding the integrity of our immigration system and will take decisive action against those attempting to deceive or defraud it” aniya.
Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang deportation procedures laban dito.
