
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagbahala si Senador Christopher Bong Go sa financial capability nito hinggil sa dumaraming bilang ng mga senior citizens na magiging kuwalipikado para matatanggap ng social pension.
Ginawa ng senador ang pahayag sa pagdinig ng 2024 budget ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) kung saan inamin ng ahensya sa pamamagitan ni Senador Imee Marcos, ang sponsor ng budget ng DSWD na kulang ang pondo para sa social pension maliban pa sa may pagkakautang pa.
Sa pagtatangkang tugunan ang kakulangan sa pondo, tinalakay ni Marcos ang isang pansamantalang panukala sa pamamagitan ng paglalaan ng P3 bilyon sa mga unprogrammed funds.
Gayunpaman, binanggit nito ang likas na kawalan ng katiyakan at potensyal na pagkaantala sa pag-access sa mga unprogrammed funds na nakadepende sa pagkakaroon ng mga pondo at mga koleksyon o kita ng gobyerno.
Si Go, isa sa may akda ng Republic Act 11916, na naglalayong madoble ang monthly pension allowance ng mga kuwalipikadong indigent senior citizens mula P500 ay magiging P1,000.
“Sa kasalukuyan ilan ang nabibigyan ng social pension ng DSWD? Since nadoble na po ang pension at nadoble na rin ang inyong budget para dito, sapat na ba ang pondo ng DSWD para ma-cater sa ating mga indigent senior citizen sa susunod na taon?,” tanong ni Go, vice chairperson ng Senate Committee on Finance.
Bilang tugon, kinilala ni Marcos ang pagtaas ng pondo sa halos P50 bilyon para sa 2024 ngunit binigyan-diin din ang kasalukuyang backlog sa mga pagbabayad ng pensiyon at ang pagtaas ng bilang ng mga nakatatanda na naghihintay ng kanilang mga pensiyon.
Pagkatapos ay naglabas si Go ng isang mahalagang isyu tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga senior citizens na naghihintay ng kanilang social pension.
Kinilala ni Marcos ang lumalaking backlog, na nagpapatunay na ang listahan ng naghihintay para sa social pension ay lumawak nang malaki.
“Yes, maraming wait list diyan sigurado. Kaya aabot ng P5 billion ang backlog,” ani Marcos.
“‘Yung wait listed… dating 228,000 ang wait listed, ngayon 466,000 na ang wait listed. Lumuolubo nga eh, dumarami as time passes by,” dagdag pa nito.
