
Ni MJ SULLIVAN
Muling nilindol ang probinsya ng Sarangani at ilang rehiyon sa Mindanao ngayong madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-3:28 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 4.9 na lindol na natukoy ang sentor sa layong 028 km timog kanluran ng Glan, Sarangani at may lalim na 057 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity IV sa syudad ng General Santos habang intensity III naman sa Tupi, South Cotabato; Maasim, Sarangani .
Samantala, sa instrumental intensities naitala ang intensity IV sa Alabel, Sarangani; General Santos City; T’Boli, South Cotabato.
Intensity III naman sa Pikit, Cotabato; Maasim, Kiamba, Malungon, Maitum, Malapatan, at Glan, Sarangani; Suralla, Polomolok, at Tupi, South Cotabato at intensity II sa Lake Sebu at Tampakan, South Cotabato gayundin ang intensity I sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Magugunitang noong nakaraang linggo ay naitala ang magnitude 6.8 na lindol ang nasabing lalawigan kung saan sa pinakahuling tala ay nasa 9-katao na ang nasasawi.
