Solon sa COA: Gumawa ng pre-audit sa mga proyekto ng pamahalaan

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Inirekomenda ni Senador Alan Peter Cayetano sa Commission on Audit (COA) na suriin ang pagsasagawa ng pre-audit sa mga proyekto ng pamahalaan upang mapabuti ang pagpapatupad ng mandato nito.

“Over the years, since the 1987 Constitution, COA has found the strength or the means of coming out with reports on issues of public interests that has put us on the right path,” sabi ni Cayetano sa kanyang interpelasyon sa plenary debate para sa 2024 budget ng COA.

Ayon kay Cayetano, bagamat “essential” sa demokrasya ang COA, dapat nitong suriin ang pre-audit mechanisms lalo na sa mga malalaking proyekto ng pamahalaan upang maiwasan ang pang-aabuso sa paggamit ng public funds.

Mahalaga aniya ito dahil kapag ang isang proyekto ay nasimulan na, mahirap nang ibalik ang pondo na ginamit para dito.

Ibinahagi ni Cayetano na noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games na inorganisa ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na kanyang pinamumunuan, madalas humingi ng tulong ang komite sa COA auditors bago ipatupad ang mga gawain.

“We had to have meetings with COA to clarify certain things. Looking back, I wouldn’t have minded na magkaroon ng pre-audit, rather than each and every time na may umangal [ay mage-explain ka],” aniya.

Inusisa ni Cayetano si Senador Sonny Angara, ang sponsor at chair ng Senate Committee on Finance, kung ang pagsasakatuparan ng pre-audit ay mangangailangan ng dagdag na panahon at budget para sa komisyon.

Inirekomenda rin nito na humingi ito ng gabay mula sa mga nagretirong empleyado ng COA pagdating sa pagtukoy kung aling proyekto ang kailangan ng pre-audit.

“I may suggest that between January to March the commission to study it and whether certain amount and certain agencies ay kailangan talaga ng pre-audit, so in 2025 they can implement it,” ayon kay Cayetano.

“’Yung mga magre-retire o nag-retire nang taga-COA, they are also a good source. Masasabi naman nila sa inyo kung ano ‘yung kailangan ng pre-audit at ano ang hindi,” dagdag nito.

Inihayag pa ni Cayetano na handa ang Senado na makipagtulungan kay COA Chairperson Gamaliel Asis Cordoba sa pagsasakatuparan ng mga innovation na sa tingin nito’y kinakailangan ng komisyon.

Leave a comment