
Ni NOEL ABUEL
Mariing kinondena ng OFW party list ang pag-hijack sa isang cargo ship ng Houthi Rebels sa Red Sea at pag-hostage sa sakay nitong 17 na Filipino seafarers.
Ayon kay OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, dapat na agad na kumilos ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para mailigtas at makauwi ng maayos ang nasabing mga Pinoy seafarers.
“Hinihimok natin ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na masusing makipag-usap sa mga bansang nakapalibot sa lugar na ito upang mailigtas ang ating mga Pilipinong marino,” sabi ni Magsino.
“Bukod sa ating magiging pagbabantay sa mapayapang resolusyon sa krisis na kinakaharap ng 17 na Filipino seafarers, nais din nating malaman ang mga pangyayari sa hostage-taking at kung mayroong kapabayaang nagdulot dito,” dagdag pa nito.
Aniya, ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng panganib na kinakaharap ng mga Pinoy seafarers sa kanilang trabaho at ito ang dapat na matulungang maresolba sa isinusulong na Magna Carta for Seafarers.
“Bilang kinatawan ng ating overseas Filipino workers (OFW) sa Kongreso at isa sa pangunahing akda ng panukala, nais natin siguruhin ng ship owners ang karapatan ng ating mga seafarers sa ligtas na paglalakbay,” sabi pa ng mambabatas.
“Ang insidenteng ito ay napabalitang nag-uugat sa hidwaan ng ilang bansa. Kaya’t nanawagan po tayo sa mga makapangyarihang bansa na tumulong sa mapayapang pagresolba ng insidenteng ito upang mailigtas ang mga inosenteng Pilipinong marino na nadamay sa pangyayari,” apela pa ni Magsino.
“Sa mga kapamilya ng mga biktimang Pilipinong marino, kasama ninyo ang OFW Party List sa mataimtim na pagdarasal para sa kanilang kaligtasan. Kami ay tututok at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng agarang aksyon ang insidenteng ito at ligtas ninyong makapiling muli ang inyong mga kapamilyang seafarers,” pahayag pa nito.
