
Ni NERIO AGUAS
Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pinalakas na pagpapatupad ng programang kabuhayan upang matiyak na mas maraming mahihirap na manggagawa ang makikinabang sa inisyatibong ito.
Ito ang tiniyak ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma sa ginanap na 2023 Kabuhayan Awards—isang taunang pagkilala sa mga benepisaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na matagumpay na pinamahalaan ang kanilang proyektong pangkabuhayan mula sa DOLE.
Sinabi ni Laguesma na ang kontribusyon sa pinahusay na pagpapatupad ng programa ay ang pinasimpleng proseso para makakuha ng tulong, inklusibong pagkilala sa magiging benepisaryo, at ang pinalawak na pakete ng tulong.
“Noong Hunyo 2023 ang DOLE ay nagpalabas ng Department Order No. 239 Series of 2023 kung saan sinimplehan, pinaikli, at binawasan ang mga proseso at dokumento na kinakailangan para makakuha ng tulong sa ilalim ng DILP at TUPAD [Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program]. Bukod dito, pinalawak din ang benepisyo at saklaw ng programa… Pinaigting din ng DOLE ang ugnayan sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng programa,” pahayag ng kalihim sa ginanap na seremonya noong ika-14 ng Nobyembre sa Parañaque City.
Sa ilalim ng DILP, ang mga indibidwal o grupo ng benepisyaryo ay bibigyan ng puhunan sa pamamagitan ng mga materyales, kagamitan, kasangkapan, at mga pasilidad.
Bibigyan din ito ng personal protective equipment at micro-insurance, mga seminar tungkol sa basic occupational safety and health at emergency first-aid, at iba’t ibang pagsasanay sa productivity at entrepreneurship upang matiyak na mapapanatili nila ang kanilang proyektong pangkabuhayan.
Bilang tagapamahala ng programang DILP, pinasimulan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang pagkilala at pagbibigay parangal sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Kabuhayan Awards.
Tumanggap ang mga nagwagi ng plake ng pagkilala premyo na nagkakahalaga ng P50,000 para sa champion, P40,000 para sa 1st runner-up, at P30,000 para sa 2nd runner-up.
