Trapikong idudulot ng Asia-Pacific Parliamentary Forum iniapela ni Zubiri

Senate President Juan Miguel Zubiri

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senate President Juan Miguel Zubiri sa publiko sa inaasahang idudulot na trapiko sa Metro Manila simula bukas, Nobyembre 23 hanggang Nobyembre 26 kaugnay ng pagpupulong ng mga miyembro ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31).

Ayon kay Zubiri, inaasahang dadalo sa nasabing mahalagang pagpupulong ang 18-member countries na inaasahang aabot sa 350 indibiduwal.

“Sa ating mga kababayan, magkakaroon tayo ng traffic jam dito sa Manila area partikular sa Pasay and then on Friday night we are hosting a dinner in BGC (Bonifacio Global City), kaya magkakaroon ng konting siguro, sigurado Friday night sa BGC area and also we are hosting them in Makati Shangrila on Saturday night,” sabi ni Zubiri.

“Humihingi kami ng paumanhin baka magtataka ang ating mga kababayan kung bakit maraming wangwang, napakaraming escorts, maraming bus at mga sasakyan na naka-escort, dahil dahil po sa mga member ng parliaments,” dagdag nito.

Sinabi pa nito na pawang mga high level delegations ng APPF ang dadalo sa pagpupulong kung kaya’t nanawagan ito ng pang-unawa sa publiko sa idudulot ng trapiko.

Paliwanag ni Zubiri, sa pamamagitan umano na paglibot sa Metro Manila ng mga delegado ay makikita ng mga ito ang mga pagbabago at pag-unlad ng bansa.

Samantala, sinabi ni Zubiri na sisikapin nito na hindi mapag-usapan sa nasabing pagpupulong ng APPF ang usapin hinggil sa West Philippine Sea (WPS) lalo na at kasama sa delegasyon mula sa China.

Paliwanag nito, Pilipinas ang host kung kaya’t kailangang walang maging bastusan at paiiralin ang diplomasya

“We have to tone down, kasi tayo ang host sa international forum, so dito kailangan walang bastusan. Kailangan dito very diplomatic and i-moderate ang ating hinaing sa ating mga kapitbahay sa Asya,” sabi nito.

Leave a comment