
Ni JOY MADELAINE
Nakatanggap ng bagong mobile patrol vehicles ang Caloocan City Police Station upang makatulong sa pagpapalalas palakas ng police visibility at palakasin ang pagsisikap ng lungsod sa paglaban sa krimen at emergency response.
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pag-turn-over ng dalawang bagong mobile patrol vehicles sa Caloocan City Police Station sa pangunguna ni PCol. Ruben Lacuesta, chief of police ng lungsod.
Nagpasalamat naman si Lacuesta kay Malapitan sa ipinagkaloob na modernong patrol vehicles kasabay ng pangakong mas paiigtingin ang trabaho ng mga pulis ng Caloocan.
“Nagpapasalamat po ako kay Mayor Along para sa mga bagong sasakyan na ipinagkaloob sa ating kapulisan. Makakaasa po ang lahat na mas palalakasin pa natin ang ating mga serbisyo upang mapangalagaan ang mga interes at karapatan ng mga Batang Kankaloo,” sabi ni Lacuesta.
Higit pa rito, binigyang-diin ni Mayor Along ang kanyang pangako na suportahan ang CCPS lalo na sa papel na ginagampanan nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod, ngunit pinaalalahanan din ang pulisya ng lungsod ng kanilang responsibilidad na protektahan ang mga karapatan at interes ng lahat.
“Alam ko pong mahusay ang nagiging pagkilos ng CCPS upang labanan ang krimen sa lungsod dahil na rin sa mga pagkilala at award na kanilang natatanggap, kaya naman asahan niyo na ang suporta ko sa ating kapulisan na palakasin pa ang kanilang hanay,” ayon sa alkalde.
“Paalala lang po sa ating kapulisan, tiwala po ng mga Batang Kankaloo ang nagbigay sa atin ng pagkakataon na makapaglingkod sa publiko. Sa lahat ng ating ginagawa, suklian po natin ang tiwalang ito sa pamamagitan ng maayos na paglilingkod,” dagdag nito.
