
Ni NERIO AGUAS
Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian national at Chinese national sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu City at Taguig City.
Ayon sa fugitive search unit (FSU) ng BI, inaresto ng mga ito ang Australian national na si David John Buckley, 81-anyos, sa Bantayan Island noong Nobyembre 21.
Sinasabing si Buckley ay nahaharap sa kasong sexual abuse sa bansa nito.
“He will be deported as soon as the board of commissioners issues the order for his summary deportation. His presence is not welcome in the country, and he will be placed in blacklist,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.
Base sa record si Buckley, ay notoryus na pedophile at may dalawang arrest warrants na inilabas ng federal police sa Queensland, Australia base sa kasong rape at indecent treatment ng mga bata.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo noong 2021
sa Papua New Guinea sa sexual abuse na kinasangkutan nito noong 1990s.
Gayundin, si Buckley ay kilalang sangkot sa multiple sex-related offenses sa iba’t ibang lugar sa Queensland, maliban pa sa 26 child at sexual abuse offenses na kinasangkutan nito mula 1988 hanggang 2004.
Samantala, nadakip din ng FSU ang Chinese national na si Lin Hengyi, 30-anyos, sa condominium building sa Taguig.
Base sa impormasyon mula sa Chinese government, si Lin ay wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa economic crimes para sa pagpapatakbo ng isang mapanlinlang na kumpanya sa pamumuhunan at pamamahala sa pananalapi.
Ang nasabing kumpanya ay nanghingi umano ng pondo mula sa mga walang kamalay-malay na biktima na naengganyo na mag-invest ng pera sa kanilang sariling platform na naging sanhi ng pagkalugi ng mga customers na umaabot sa mahigit dalawang milyong Chinese yuan, o halos US$300,000.
