
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang lalawigan ng Davao Occidental, kahapon ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-10:48 ng umaga nang maitala ang nasabing malakas na paglindol na ang sentro ay nasa 413 km timog silangan ng Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental at may lalim na 172 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity II sa lungsod ng General Santos; Glan, Alabel, Malapatan, Malungon at Kiamba, Sarangani; Tupi, Tampakan, lungsod ng Koronadal at Tboli, South Cotabato.
Intensity I naman sa Polomolok, Surallah at Lake Sebu,South Cotabato; Maasim at Maitum, Sarangani.
Sa instrumental intensities, naitala ang intensity II sa Don Marcelino, Davao Occidental; Malungon, Glan, Alabel, Kiamba, Sarangani; Tupi at T’Boli, South Cotabato at intensity I sa Maitum, Sarangani; General Santos City; Lake Sebu, South Cotabato; lungsod ng Digos, Davao del Sur.
