Panukalang batas para proteksyunan ang mga apprentice kontra sa labor violations nasa plenaryo na

Senador Jinggoy Estrada

Ni NOEL ABUEL

Isinumite na sa plenaryo ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill No. 2491 na nagmumungkahi ng mga reporma sa apprenticeship program ng gobyerno para para bigyan proteksyon ang mga trainee workers laban sa mga paglabag sa batas sa paggawa.

Ang iminungkahing bagong sistema ni Estrada para sa National Apprenticeship Program ay magbibigay sa mga bagong henerasyon ng manggagawa ng kinakailangang kasanayan para sa maayos na trabaho at gawin silang globally competitive.

“Ang pag-unlad ng human resources ay mahalaga para sa pangkalahatang paglago ng bansa. Ngayong patuloy na bumabalik sa normal ang ating ekonomiya patungo sa pre-pandemic levels, nararapat lamang na tumbasan natin ito ng mga polisiyang magpapalakas sa Filipino workforce, lalo na sa tinatawag na highly technical occupations,” sabi ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, sa kanyang sponsorship speech.

Sa ilalim ng SB 2491, ang mga apprentice na may edad 15 pataas na nais ng aktuwal na karanasan sa trabaho sa pamamagitan ng technical and vocational training (TVET) na pinangangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay bibigyan ng allowance na katumbas sa 75 porsiyento ng umiiral na minium wage rates; accident o disability insurance; at hindi na kinakailangang dumaan sa probationary period kung sakaling kunin silang empleyado ng kumpanya.

Gayunpaman, kailangan munang pumasa ng apprentice sa aptitude tests ng TESDA para matukoy ang kanilang kahandaan sa apprenticeship.

Aniya, kinakailangan ding sumailalim sa national assessment ng TESDA bago mabigyan ng national certificate o certificate of competency ang mga ito.

Ang mga sertipikadong apprentice ay bibigyan ng unit credits na katumbas sa pormal na sistema ng edukasyon na maaaring gamitin sakaling magpursige sila na kumuha ng tertiary degree courses batay sa patakaran at pamantayan sa equivalency at Recognition of Prior Learning ng TESDA, ng Commission on Higher Education at ng Department of Education.

Bibigyan naman ng tax deducation ang mga kumpanyang makikilahok sa apprenticeship program, kapalit sa pagkuha at pag-train nila ng mga apprentice. Papayagan silang ibawas sa kanilang taxable income ang 50 porsyento o kalahati sa gastos sa pagsasanay ng manggagawa.

“Simula noong 2013 pa ay isinusulong ko na po ang pagkakaroon ng enhanced apprenticeship program sa mga kabataan para magkaroon tayo ng highly competent and skilled workforce na matutugunan ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor. Kailangan nating pagtuunan ng pansin ang tech-voc education at training at pagtibayin ang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor para mabigyan ng de-kalidad na trabaho ang mga kabataan. Ito ang paraan natin na pamumuhunan sa human capital para makatulong sa tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maging pinakamakapangyarihang instrument laban sa kahirapan at pagpapabuti sa kalidad ng buhay sa ating bansa,” paliwanag pa ni Estrada.

Leave a comment