
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Win Gatchalian sa mga member-states ng Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) na isulong ang human development at inclusive growth at gawing sentro sa usapin ang edukasyon at kalusugan.
Sa ikalawang araw na annual meeting ng APPF, sinabi ni Gatchalian, ang chairperson ng working Group na nakatoka sa Economic and Trade Matters sa APPF, na bahagi ang human development at inclusive growth sa pormal na diskusyon.
Aniya, hanggang sa kasalukuyan ay puspusan pa rin ang mga hakbang na ginagawa ng rehiyon upang masugpo ang extreme poverty o labis na kahirapan kung saan ang mga namumuhay sa labis na kahirapan ay yaong may kakayahang mas mababa sa US$ 2.15 kada araw ang kita, kung pagbabasehan ang pandaigdigang sukatan ng kahirapan.
Ani Gatchalian, malayo na rin ang narating ng mundo at ng rehiyong Asya-Pasipiko sa pagsugpo sa extreme poverty.
Ayon sa datos ng World Bank, noong 2018, 9% ng populasyon ng mundo ang namumuhay sa labis na kahirapan, malayo na kung ihahambing sa 37% na naitala higit 30 taon na ang nakalilipas.
Naitala sa Asia-Pacific region ang pinakamalaking pagbaba ng datos ng labis na kahirapan sa 1.8% noong 2018 mula 64% sa nakalipas na 30 taon. Sa Pilipinas, malaki rin ang ibinaba ng datos ng extreme poverty. Noong 2018, 5% na lamang ng populasyon ng bansa ang namumuhay sa labis na kahirapan kumpara sa 27% na naitala higit 30 taon na ang nakalilipas.
Ngunit para kay Gatchalian, hindi sapat na sukatan ang pagbaba ng datos ng kahirapan sa estado ng inclusive growth, lalo na’t hindi nito saklaw ang kabuuan ng potential human development na dulot ng pag-unlad. Tinukoy niya ang Human Development Index (HDI), isang buod ng average achievement na sumasaklaw sa tatlong dimensyon ng kaunlarang pantao: mahaba at malusog na buhay, magandang edukasyon, at disenteng antas ng materyal na pamumuhay.
Ayon sa datos mula sa United Nations Development Programme (UNDP), umakyat ang human development index ng Pilipinas sa 0.69 noong 2021 mula 0.59 noong 1990, katumbas ng 0.10 index points na pagtaas. Sa usapin ng kalusugan, umakyat ng 3.4 taon ang tinatawag na life expectancy at birth, mula 65.9 taon noong 1990 hanggang sa 69.3 taon noong 2021.
Pagdating naman sa edukasyon, umakyat sa 13.1 taon noong 2021 ang tinatawag na expected years of schooling o inaasahang bilang ng taon ng pag-aaral mula 10.8 taon noong 1990, bagay na dulot ng programang K-12 na sinimulang ipatupad noong 2013.
