Kamara susunod sa Marcos admin sa isyu ng ICC probe — Speaker Romualdez

Si Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama ang mga miyembro ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) na nagpakuha ng larawan sa Philippine International Convention Center.

Ni NOEL ABUEL

Susunod ang Kamara de Representantes sa anumang magiging polisiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Iti ang paniniyak ni Romualdez nang tanungin sa isang ambush interview kaugnay sa sinabi ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan kung babalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

“We will take it as is. We will follow, we will follow the policies,” ani Romualdez sa sideline ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31) nitong Biyernes sa PICC, Pasay City.

Muling sinabi ni Romualdez na pagpapahayag lamang ng saloobin ng mga kongresista ang tatlong resolusyon na inihain kaugnay sa panawagan sa pamahalaan na payagan ang mga imbestigador ng ICC na siyasatin ang madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“But what you heard is just the sense of some of the congressmen. We will still deliberate (House resolutions) on that,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong 300 kongresista.

Kamakailan ay nagsagawa ng pagdinig ang House committees on justice at human rights kaugnay ng mga resolusyon.

Ipinagpaliban ang pagdinig upang ipatawag ang mga ahensya ng gobyerno at mga biktima ng war on drugs campaign.

Leave a comment