
Ni NOEL ABUEL
Nakatanggap ng tulong ang mahigit sa 1,000 Boholano mula sa iba’t ibang sektor sa Tagbilaran City mula kay Senador Alan Peter Cayetano.
Dalawang magkahiwalay na aktibidad ang naganap noong November 23 sa pakikipagtulungan ni Cayetano sa DSWD Assistance to Individuals in Crisis (AICS) program: ang isa ay nagbigay ng educational, medical, at burial assistance sa isang libong residente ng Tagbilaran, habang ang isa naman ay livelihood assistance para sa daan-daang small business owners sa lungsod.
Naging posible ang mga naturang aktibidad sa pangunguna nina Tagbilaran City Mayor Jane Yap at City Social Welfare and Development (CSWD) Head Lucille Clarin.
Ayon kay Clarin, higit na mahirap para sa mga small business owners ang kanilang sitwasyon lalo na kung may mga anak na nag-aaral pa.
“Mahirap talaga ‘pag may estudyante ka at tindahan lang ang inaatupag [mo]. Mahirap lalo na kung may nagkakasakit na mga anak,” aniya.
Kinabukasan, naghandog ng karagradang tulong ang opisina ni Cayetano kasama ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa TODA, JODA, at Calamay Vendors ng Tagbilaran.
Ang mga sektor na ito ay miyembro ng programa ni Cayetano na tinatawag na Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan (PTK), isang livelihood program para sa iba’t ibang sektor na inilunsad niya noong 2013.
Bahagi ng aktibidad na ito sina dating Tagbilaran City Mayor Baba C. Yap, mga opisyal ng DOLE, at mga pangulo ng mga PTK group.
Ang mga inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ni Cayetano na suportahan ang mga marginalized communities sa bansa.
Sa pakikipagtulungan nito sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units, hangad nito na mas marami pang Pilipino ang maabot ng kanyang mga programa.
