
Ni NERIO AGUAS
Pinalayas ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Malaysian nationals matapos na magpakita ng masamang ugali at nambastos ng immigration personnel.
Nabatid na hindi na pinayagan pang makalabas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasabing mga dayuhan at agad na pinabalik sa pinagmulan nitong lugar.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng border control and intelligence unit (BCIU) na ang mga Malaysian, kabilang ang isang lalaki at dalawang babaeng ay hindi na pinapasok sa NAIA Terminal 3 ilang sandali matapos silang lumapag sakay ng isang Cathay Pacific flight mula Hong Kong.
Nakilala ang mga nasabing dayuhan na sina Tan Hoong Kiat, 35-anyos; Lim Fong Teng, 31-anyos at Khoo Seok Hun, 30-anyos.
Sinabi ng BCIU na pinabalik ang mga Malaysian matapos magbitaw ng mga nakakainsulto at hindi kasiya-siyang salita laban sa mga tauhan ng BI na humingi sa kanila na ipakita ang kanilang mga return tickets na ayaw ng mga itong ipakita.
Naiulat din na habang nagpapaliwanag ang immigration supervisor na naka-duty kung bakit kailangan nilang ipakita ang kanilang mga tiket sa eroplano, naging bastos ang mga pasahero, sumigaw ng masasamang salita at tumangging kumalma.
Dahil sa pagiging bastos at kawalang-galang at kabiguan na ilabas ang kanilang return ticket, agad na nai-book ang mga ito sa unang available na flight sa kanilang pinanggalingan.
Agad din na iniutos ni Tansingco na isama ang mga nasabing Malaysian nationals sa immigration blacklist na nagbabawal sa kanila na makapasok sa bansa dahil sa pagiging undesirable alien.
“Foreigners who come here should display accord respect and courtesy to persons of authority of their host country. Their stay here is a mere privilege and not a right, hence they should not malign and insult our immigration officers,” ayon sa BI chief.
Sa ilalim ng umiiral na mga alituntunin, ang mga dayuhang turista na bumibisita sa bansa ay dapat kumuha at magpakita ng kanilang mga return ticket sa mga opisyal ng BI sa port of entry at ang kanilang kabiguang gawin ito ay maaaring maging dahilan upang hindi sila payagang makapasok.
