

Ni NERIO AGUAS
Sinisiguro ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa tamang landas ang ahensya upang makumpleto ang ikalawang yugto ng Bagong Tondo Sports Complex Project sa Maynila sa unang bahagi ng 2024.
Sinabi ni DPWH National Capital Region Director Loreta M. Malaluan, sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na ang Phase 2 ng proyekto ay 38 porsiyento nang kumpleto, na nagsimula noong Abril 2023.
Ang DPWH North Manila District Engineering Office sa pamumuno ni District Engineer Gerard P. Opulencia, ay mabilis na sumusubaybay sa mga civil works upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto ng Phase 2 sa Marso 2024.
Kasama sa ikalawang bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng mga superstructure na kinabibilangan ng column, beams at suspended slab bawat sahig.
Kasama rin sa kontrata na nagkakahalaga ng P133 milyon ang mga electrical works, fire protection, plumbing at sewer works, finishing works at installation ng lighting fixtures at air-conditioning.
Ang Phase 1 ng proyekto na nagkakahalaga ng P82.02 milyon ay ipinatupad noong 2021. Saklaw nito ang pagtatayo ng pundasyon at mga substructure ng gusali kabilang ang footing, pilecap, at micropiles.
Karagdagang P10 milyon ang kakailanganin para makumpleto ang buong Tondo Sports Complex.
Ang halaga ay ang iminungkahing alokasyon sa ilalim ng Phase 3 na site development
Sa sandaling makumpleto, ang sports complex na may kabuuang floor area na 3,360 square meters ay magkakaroon ng gym, multi-purpose open space, indoor basketball court, at conference room.
Ito ay nakikitang magagamit sa iba’t ibang athletic at recreational activities sa lugar.
“A new Tondo Sports Complex with complete facilities will be able to bring together people with shared interests, and encourage an active and healthy lifestyle to the residents,” sabi ni Malaluan.
