
Ni NOEL ABUEL
Nangako si Senador Alan Peter Cayetano na tututukan nito ang mga suliranin ng mga transport groups na nahihirapan sa pag-modernize ng sasakyan ng mga ito dahil sa laki ng gastos at sa kahirapan ng pagkuha ng utang.
“First and foremost, hundred percent I hear you… So count on me to be one of those na magbabantay at titingin sa issue na ito,” sagot ni Cayetano sa tanong ng isang transport group adviser sa isang press conference sa Baguio City nitong November 25, 2023.
Ayon kay Joseph Cabanas ng Gabriela Silang Operators and Drivers Association, hindi naman tutol sa modernization ang mga transport groups kundi humihingi lang ng tulong sa gobyerno para makapangutang.
“Gusto namin ng modernization. Mangungutang kami pero may counterpart sana ang gobyerno,” ayon kat Cabanas.
Sinabi ni Cayetano na nauunawaan nito ang mga transport groups dahil isa ang mga ito sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic dahil karamihan ng mga tao ay hindi pinalalabas ng mga tahanan.
At ngayong tapos na ang medical emergency, patuloy na naghihirap ang maraming tao.
“Just because the pandemic is over and big businesses have recovered doesn’t mean lahat ng Pilipino nakarecover na,” ani Cayetano.
“The reality is ‘yung may mga parlor na maliit, carinderia, ‘yung mga nag-invest ng P1-2 million sa small buisiness — kung naubos ‘yan nu’ng pandemic, hindi nila basta-basta mapo-produce ngayon ulit ‘yan,” dagdag nito.
Ayon kay Cayetano, hindi naisaalang-alang ng nakaraang administrasyon ang pagkakaiba-iba ng mga lugar sa bansa kaya’t ang inilatag nitong transport modernization program ay tila “one-size-fits-all”.
“Kung sa gamot walang cure-all, sa programa ng gobyerno lalo in a country with more than 7,000 islands, wala namang one-size-fits-all,” aniya.
“Kasi hindi pare-pareho. May mga lugar na mas malalaki ang highway so mas maraming jeep than tricycle. Dito sa Baguio maraming taxi, then the buses papunta ng malalayong lugar tulad ng Dagupan, Nueva Ecija, Manila,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Cayetano na ang isa sa mga programang inumpisahan nito, ang PTK (Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan) ay napatunayan nang mabisa sa pagsagot sa mga pangangailangan ng mga sectoral groups na nahihirapang kumuha ng pautang.
Ikinuwento nito ang karanasan ng isang PTK group sa Iloilo na nakatanggap ng P250,000 sa kanyang programa at napalago ito hanggang sa nakabili ng 90 buses gamit ang isang P100 million loan. Ngayon aniya, kumukuha ito ng isa pang P100-million loan para sa karagdagang electric buses.
“What do they have na wala sa iba? A win-win formula. Wala namang problema kung magkautang basta sure kang mababayaran mo at sure kang makakautang at sure kang kikita,” aniya pa.
Sinabi ni Cayetano na tiyak nitong gugustuhin ng mga transport group na mag-modernize basta makakakuha ng katulad na programa.
