
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Lito Lapid sa pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng sibuyas, bawang, karot, at bigas, lalo na ngayong darating na panahon ng Pasko, na lubhang nakaapekto sa mga lokal na magsasaka at sa mga nagdadala ng mga ani.
Sa konsultasyon sa mga magsasaka sa La Trinidad Vegetable Trading Post sa La Trinidad, Benguet, nitong Biyernes, nalaman ni Lapid na nakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka ang talamak na smuggling ng mga produktong agrikultural, hoarding at profiteering.
“Kailangan na nating tapusin ang problemang ito. Ang mga ito ang nagpapahirap sa ating mga magsasaka na siyang nagpapakain sa atin,” giit ni Lapid
“Nakakalungkot po na sa kabila ng malaking ambag ng ating mga magsasaka para sa seguridad sa pagkain ng ating bayan ay sila pa ang nananatiling nakabaon sa kahirapan” dagdag nito.
Dahil sa smuggling, sinabi ng senador na ang presyo ng mga lokal na produkto ay lalo pang nagpapahirap sa mga magsasaka.
Sinabi ni Lapid na ang smuggling ang dahilan kung bakit ang mga lokal na magsasaka ay ayaw nang ipagpatuloy ang kanilang produksyon dahil sa kakulangan ng return on investment kaya sa huli ay nagreresulta sa pagkamatay ng industriya.
Maliban pa rito, ang mga middlemen ang bumibili ng mga produktong pang-agrikultura mula sa mga magsasaka sa napakababang presyo habang ang mga loan shark ay nagbibigay ng mga pautang na sobra-sobra ang ipinapataw na interes.
Sinisiguro ni Lapid sa mga magsasaka ang kanyang buong suporta para sa pagpasa ng anti-agricultural smuggling bill.
Ang senador ay isa sa mga may-akda ng Senate Bill No. 2432 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na ngayon ay nasa period of individual amendments na.
Sinabi naman ni Benguet Rep. Eric Yap, na sumama kay Lapid sa konsultasyon, na mahalaga ang whole-of-government approach para labanan ang smuggling.
