US sex offender nasabat sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang ng isa pang American sex offender na nagtangkang pumasok sa bansa noong Biyernes sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Daniel Ruic Kimball, 64-anyoas, na dumating sa NAIA terminal 1 sakay ng Japan Airlines flight mula Narita.

Si Kimball, sabi ni Tansingco, ay hinarang na makapasok sa bansa matapos na makumpirmang nahatulan at nakulong ito sa kasong pangmomolestiya sa isang babae sa US.

Paliwanag ni Tansingco na base sa Section 29 ng Philippine immigration act, ipinagbabawal ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhan na hinatulan ng krimeng may kinalaman sa moral turpitude.

“This prohibition aims to protect our women and children, anyone of whom can become the next victim of these sex offenders if they are allowed to enter the country,” ayon sa BI chief.

Si Kimball ay agad na nai-book sa susunod na available na flight papuntang Tokyo na siyang huling port of origin nito.

Ayon sa national central bureau ng Interpol sa Manila, hinatulan ng korte sa Missouri si Kimball noong Enero 2006 dahil sa sekswal na pangha-harass o pamimilit sa isang 27-taong-gulang na babae.

Leave a comment