P5.768 trillion General Appropriations Bill pasado na Senado

Ni NOEL ABUEL

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang P5.768 trillion General Appropriations Bill.

Sa botong 21 affirmative, 1 abstain, walang tumutol na senador sa House Bill 8990 under Committee Report no. 155 na inisponsoran ni Senador Sonny Angara, na nagpasalamat sa mga kapwa nito senador sa pagsang-ayon sa nilalalaman ng 2024 GAB.

Tanging si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang nag-abstain habang absent naman sina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Pia Cayetano nang isagawa ang botohan.

Sinabi ni Angara, na dumaan sa proseso alinsunod sa Saligang Batas ang pagtalakay sa budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.

“Dumaan ang budget na ito sa proseso alinsunod sa Saligang Batas. Nagtagal ng walong araw ang mga debate. Umabot pa nga sa alas-4:50 ng madaling-araw ‘yung pinakahuling araw natin,” sabi ni Angara.

Tinukoy ni Angara na mas binigyan ng importansya ng mga senador ang pagpapalakas sa national defense ng bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng dagdag na pondo.

“Through the leadership of Senate President Juan Miguel Zubiri, we are adding to the already significant augmentations made the budgets of our national defense agencies such aas the Department of National Defense (DND) and the different service branches of the Armed Forces of the Philippines (AFP),” sabi ni Angara.

“Through the joint interventions of no less than SP Zubiri, and Vice Chairpersons Dela Rosa and Tolentino, more funds were included in the budgets of the Philippine Army, Air Force Navy, and the General Headquarters to purchase much-needed equipment, set-up the needed infrastructure, and the conduct the necessary capability enhancements and trainings and the Philippine Coast Guard (PCG),” dagdag pa ni Angara.

Kasama rin na pinaglaanan ng pondo ang Philippine National Police (PNP) para sa pagbili ng mas maraming body cameras na ipapamahagi sa 228,000 police force para sa pagpapatupad ng peace and order sa buong bansa.

Nangako rin sina Zubiri, Senador Imee Marcos, Senador Ronald Dela Rosa, Senador Alan Peter Cayetano, na bibigyan din ang PNP ng dagdag na pondo.

Nabatid na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang 2024 GAA bago lumipad patungong Japan sa susunod na buwan.

Samantala, tatayo namang miyembro ng Senate Bicam sina Senador Pia Cayetano, Senate Pro-Tempore Loren Legarda, Senador Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Dela Rosa Senador Sherwin Gatchalian, Senador Christopher Go, Senador Risa Hontiveros, Senador Nancy Binay, Senador Grace Poe, Senador Mark Villar, Senador Francis Tolentino, Senador Jinggoy Estrada at Senador JV Ejercito sa Bicameral meetings kasama ang mga kongresista.

Leave a comment