US at British pedophiles naaresto ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na wanted sa kanilang mga bansa sa kasong pangmomolestiya sa mga kabataan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na dayuhan kabilang ang US national na si John Tomas Minor, 42-anyos at ang British national na si Derek Gordon Heggie, 40-anyos, na naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng fugitive search unit sa probinsya ng Cebu.

Nabatid na nadakip si Minor sa isang condominium unit sa Cebu Business Park sa Cebu City habang si Heggie ay naaresto sa residential unit sa Bgy. Guadalupe, Bogo City.

Sinabi ni Tansingco na nagpalabas ito ng mission order para sa pag-aresto sa dalawa base sa kahilingan ng US at British governments na ipinaalam sa BI ang kanilang mga criminal record bilang mga sex offenders.

“They will be deported after our board of commissioners issues the orders for their summary deportation after which they will be included in our immigration blacklist to prevent them from reentering the country,” sabi ni Tansingco.

Ayon sa US authorities, si Minor ay may warrant of arrest na inisyu noong Mayo ng superior court sa Spokane, Washington kung saan ito kinasuhan ng panggagahasa at pangmomolestiya sa isang bata.

Para naman kay Heggie, sinabi ng National Crime Agency ng United Kingdom na si Heggie ay nahatulan ng sexual assault noong Agosto 10, 2005 at nakagawa ng ilang iba pang sex crimes, kabilang ang panggagahasa sa isang domestic partner noong 2018 at sa isang dating partner noong 2013.

Nagkaroon din ito ng sexual activity sa isang menor de edad.

Binalaan ng UK authority ang BI na si Heggie ay kilalang marahas, na may malawak na kasaysayan ng krimen na kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng sekswal na pang-aabuso, pinsala sa ari-arian, pagkakaroon ng mga narcotic substance, bukod sa iba pang malubhang pagkakasala.

Pansamantalang nakakulong sa BI office sa Mandaue City ang dalawang dayuhan habang inihahanda ang paglilipat ng mga ito sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Leave a comment