Electric bikes, irerehistro ng LTO; drivers licence kailangan din

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang senador sa dumaraming bilang ng mga electric bikes na karamihan ay nakikita sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, kapwa ipinarating nina Senador Francis Tolentino, chairman ng komite at Senador JV Ejercito ang pagkabahala na hindi na makontrol ang pagdami ng electric bikes sa lansangan.

Sinabi naman ni Land Transportation Office (LTO) Asst. Sec. Vigor Mendoza, irerekomenda nito sa Department of Transportation (DOTr) na oobligahin nang hingan ng lisensya ang nagmamaneho ng electric motor vehicles at irerehistro ang sasakyan.

Giit ni Tolentino, madalas na nakakasalubong nito ang mga electric motor vehicle sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) nang walang anumang pag-aalala ang driver nito na maaaring maaksidente.

“Dati pang-subdivision lang sila, ngayon nasa EDSA na”! sabi ni Tolentino.

Dagdag naman ni Ejercito na marami sa mga nagmamaneho ng electric motor vehicle ay walang hawak na driver’s license kung saan karamihan ay may sakay pang pasahero at nakikipagsabayan sa mga malalaking sasakyan at kotse.

Karamihan umano ng mga electric bikes ay ginagamit sa pagsundo ng mga maliliit na estudyante sa eskuwelahan gayundin maraming senior citizens ang gumagamit nito.

“Marami dito ang hindi lisensyado na nag-o-operate ng motor vehicle, danger for themselves and also for safety ng passengers,” sabi nito.

Napapansin anila nito ang mga electric bikes ang nagkalat sa lansangan at sa mga major roads na hindi alintana na maaksidente.

Hiningi ni Tolentino sa LTO at Philippine National Police (PNP) ang datos kung ilang electric motor vehicles ang naibenta sa buong bansa at ilan sa mga ito ang nasangkot sa aksidente.

Giit pa ng senador na dapat na pag-aralan ng LTO kung kailangan ang tulong ng mga local ng government units (LGUs) para malaman ang tunay na bilang ng electric bikes.

Sinabi ni Mendoza na irerekomenda nito sa DOTr na huwag nang gawing basehan ang 25 kph speed para hindi irehistro ang isang sasakyan kundi kung paano ito ginagamit sa lansangan.

“We will proposing policy change sa DOTR, wag nang pagbasehan ang speed na 25kph or less as general rule, hindi irerehistorso sa LTO. As motorised vehicle it must be registered, at ang driver is dapat lisensyado na 16 pataas,” sabi ni LTO chief.

Leave a comment