
Ni NOEL ABUEL
Nagsagawa ng pagsisiyasat si Senador Mark Villar kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga Noche Buena items sa ilang grocery store sa Divisoria, Manila.
“Ngayong malapit na po ang Kapaskuhan, kailangan na mas mahigpit ang ating monitoring ng mga presyo ng produkto upang masigurado na magiging masaya ang pasko ng ating kapwa Pilipino,” pahayag ni Villar, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship
Kasama ni Villar si DTI Secretary Alfredo Pascual at iba pang opisyal ng DTI sa pag-iinspeksyon ss mga pagkain na kadalasang nasa mesa ng Filipino tuwing Noche Buena.
Kabilang sa ilan sa mga item na ito ang mga pakete ng pasta, spaghetti at tomato sauce, sandwich spread, at mga canned goods, bukod sa iba pa.
Ininspeksyon ng mga ito kung ang mga pagkain na ito ay sumusunod sa 2023 price guide para sa mga produktong Noche Buena na inilabas ng Consumer Policy and Advocacy Bureau (CPAB) noong 21 Nobyembre 21, 2023.
“Patuloy po tayong nakatutok sa mga presyo ng bilihin ngayong Kapaskuhan. Atin pong sisiguraduhin na sumusunod ang ating mga sellers sa price guide ng DTI,” ayon sa senador.
Binigya-diin ni Villar ang kahalagahan ng regular na mga aktibidad sa pagsubaybay sa presyo para sa proteksyon ng mga mamimili, na sa bahagi ay sumusunod sa Price Act.
Tinitiyak ng Price Act ang pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin sa makatwirang presyo sa lahat ng oras habang tinitiyak ang isang patas na return on investment para sa mga negosyo.
“We are very festive people. Ang taunang selebrasyon ng Noche Buena is a fixture in the Filipino Christmas. Ito pong ating price monitoring activity ay isinasagawa natin sa tulong ng DTI upang mabigyang proteksyon ang ating mga consumers at upang masigurado na makakapag-celebrate ng maligayang pasko ang ating mga kababayan,” paliwanag pa ng senador.
Nanawagan si Villar at Pascual ng tulong ng publiko sa pag-uulat ng sinumang merchant o vendor na hindi sumusunod sa SRP at quality standards ng DTI.
Para sa mga reklamo, maaaring magsumbong ang publiko sa DTI Hotline 1384 o sa anumang social media account ng ahensya.
