
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na hinarang ng mga opisyal nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang convicted American sex offender at isang Turkish na fraudster.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang American national na si Michael David Steinborn, 57-anyos, at Turkish national na si Amol Awasthi, 48-anyos, na kapwa pinabalik ng kanilang bansa matapos lumapag sa NAIA Terminal 3.
Nabatid na si Steinborn ay dumating sa bansa noong Nobyembre 26 sakay ng United Airlines flight mula San Francisco habang si Awasthi ay nasabat noong Nobyembre 27 nang dumating sakay ng Emirates flight mula United Arab Emirates.
Sinabi ni Tansingco na ang dalawa ay tinanggihan sa pagpasok dahil sa itinuring na hindi kanais-nais na mga dayuhan dahil sa kanilang mga criminal record.
Binanggit nito ang kaso ni Steinborn, isang registered sex offender (RSO), na batay sa isang probisyon sa batas na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na nahatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.
Dinagdag pa ni Steinbord ay hinatulan sa Kissimmee, Florida noong 1994 sa kasong indecent exposure at ikinokonsiderang Tier 1 offender.
Habang si Awasthi ay sakop ng Interpol blue notice noong nakaraang taon kaugnay ng criminal investigation laban dito sa pagkakasangkot sa mga transaksyon na nanlinlang sa gobyerno ng India.
Hinala ng India authority na si Awasthi at ang kanyang mga kasamahan ay nagsabwatan upang dayain ang gobyerno ng India sa pamamagitan ng pag-aangkat ng mga pataba at iba pang produkto sa tumataas na presyo at pag-claim ng subsidy ng gobyerno.
Inakusahan din si Awasthi at ang kanyang mga kasabwat na kumikita sa mga iligal na komisyon na nakuha mula sa pagbabanta ng overpriced fertilizers at raw materials na nagbulsa sa nasabing komisyon sa kanilang mga kamag-anak at kumpanyang nakarehistro sa ibang bansa.
