
Ni NERIO AGUAS
Makakaasa na ang mga residente ng Cagayan na hindi na makakaranas ng storm surge at pagbaha tuwing umuulan.
Ito ay sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng paglalagay ng seawall project na natapos nang gawin sa Barangay Santa Maria sa Buguey, Cagayan na haharang sa pagbaha sa baybayin sa mababang lugar.
Sa ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni DPWH Cagayan First District Engineer Oscar G. Gumiran na ang natapos na P19.7 milyong proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) ay isang 106-meter seawall na itinayo parallel sa baybayin ng Barangay Santa Maria upang magsilbing hadlang laban sa mga storm surge at high tides.
Ayon kay Gumiran, ang mga residente sa coastal area ay mas protektado na ngayon sa panahon ng bagyo, habang ang mga critical infrastructure kabilang ang mga kalsada, utilities, at mga bahay, ay mas ligtas laban sa coastal erosion at pagbaha.
Bukod dito, pinangangalagaan ng proyekto ang mga kabuhayan, lalo na sa mga sektor ng pangisdaan at turismo, na mahalaga sa paglago ng ekonomiya ng lugar.
“With the project’s completion, this coastal community is more prepared in case of extreme weather events, ensuring a safer and more prosperous future for its residents,” sabi ni Gumiran.
