
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang kahalagahan na makipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) upang matugunan ang kawalang hustisya sa mga mahihirap na biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pahayag sa pagbubukas ng joint hearing ng House Committees on Justice at on Human Rights, sinabi ni Abante na malaki ang naging epekto ng war on drugs sa mga mahihirap na walang kakayanan na maipagtanggol ang kanilang sarili.
“By cooperating with the ICC, we send a strong message that justice is blind and applies to all, regardless of socioeconomic status,” sabi ng kongresista.
Si Abante, kasama si 1-Rider party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, ay naghain ng House Resolution (HR) 1477 na humihimok sa gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa ginagawang imbestigasyon ni ICC prosecutor Karim Khan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa pagdinig noong Miyerkules ay pinagtibay ng joint committee ang HR 1477 at isinama rito ang HR 1482 na akda ni Albay Rep. Edcel Lagman at HR 1393 na inihain ng Makabayan bloc na kapwa humihimok sa administrasyong Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.
Naniniwala si Abante na ang pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC ay isang malaking hakbang para matiyak na makakukuha ng hustisya ang mga mahihirap na biktima.
“By cooperating with the ICC, we demonstrate our resolve to hold individuals accountable for grave offenses. This is a precedent and sends a powerful message against impunity,” giit ni Abante.
Batay sa opisyal na datos, nasa 6,000 ang bilang ng mga nasawi sa anti-drug war campaign ng Duterte administration mula 2016 hanggang 2019, pero ayon sa mga human rights groups at ICC maaaring ang totoong bilang nito ay 12,000 hanggang 30,000.
Sa pag-aaral ng non-profit organization na Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services Inc. (IDEALS) noong 2020, lumalabas na nakararaming biktima ng drug war ay mga mahihirap.
Sa pag-aaral na may titulong “Beyond the Numbers,” inipon ng IDEALS ang may 500 kaso ng human rights violations na nangyari mula 2016 hanggang Pebrero 2020.
Karamihan ng mga kaso ay nangyari sa Metro Manila at mayroon ding mga naitala sa Bulacan, Laguna, Cavite, at Cebu.
Ang karamihan umano sa mga nasawi ay blue-collar professionals gaya ng construction worker at karpintero. Marami rin umanong nasa informal sector at maliit ang kinikita.
Ayon pa sa “Beyond the Numbers,” 99 porsyento ng mga biktima ay hindi nakapagkolehiyo. Tatlo lamang ang nakapagtapos ng kolehiyo at ang karamihan ay pre-school, elementary, o high school ang narating sa pag-aaral kaya ang war on drugs umano ay maituturing ding “war on the poor.”
