Pagdami ng dumarating na foreign sex offenders ikinabahala ng BI

Ni NERIO AGUAS

Nagpahayag ng pagkabahala ang Bureau of Immigration (BI) sa dumaraming foreign nationals na registered sex offenders na dumarating sa Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, pinakahuling naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang US national na nahatulang makulong sa kasong pangmomolestiya sa isang bata 13-taon na ang nakalilipas.

Nakilala ang nasabing dayuhan na na si Francisco Narvios Tecson, 55-anyos, na nasabat sa NAIA Terminal 1 matapos dumating sakay ng Eva Air flight mula Taiwan.

Sinabi ni Tansingco na si Tecson, tulad ng ibang dayuhan na dati nang hinatulan ng kasong sex crimes na ibinalik sa bansang pinagmulan nito ay isang registered sex offender (RSO).

“Thus, he is an excludable foreign passenger for being convicted of a crime involving moral turpitude as provided in our Philippine immigration act,” ayon sa BI chief.

Base sa record ng BI, si Tecson ay nahatulan sa Texas noong 2010 sa pangmomolestiya sa isang 8-anyos na batang babae.

Batay rin sa impormasyon mula sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), plinano ng nasabing dayuhan na magbiyahe sa Pilipinas kung kaya’t inalerto ng BI ang lahat ng tauhan nito na bantayan ang lahat ng ports of entry.

At nang dumating si Tecson ay agad na hinarang.

Samantala, isa pang US national na nahatulan din na may kaugnayan sa sex crime.

Nakilala itong si Dale Lloyd Bayless, 65-anyos, na dumating din mula sa Taiwan.

Sa public records, si Bayless ay nahatulan noong 1990 sa kasong sodomy noong 1989 laban sa isang 9-anyos, na batang babae sa Neosho, Missouri.

Sa datos ng BI, nasa mahigit na sa 150 foreign RSOs ang naharang at pinigilang makapasok sa bansa mula Enero ng kasalukuyang taon.

Karamihan sa RSOs ay naharang sa NAIA gayundin sa Mactan, Cebu at Clark, Pampanga.

Leave a comment