4 na abogado ng BI iniimbestigahan din

Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 459 na foreign nationals na napatunayang gumagamit ng pekeng dokumento.
Kasabay nito, iniimbestigahan din ng BI ang apat na abogado ng ahensya na sinasabing sangkot sa naturang modus operandi.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, agad na ilalagay sa blacklist order ang nasabing mga dayuhan na nakumpirmang pinetisyon ng pekeng kumpanya.
Sinabi ni Tansingco na ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng ahensya na tanggalin ang mga ilegal na dayuhan sa bansa, partikular ang mga gumagamit ng pekeng dokumento para makakuha ng visa.
Aniya, tatlong magkasunod na audit report mula sa kanilang verification and compliance division (VCD) ang nagbunyag na may kabuuang 459 na dayuhan ang gumagamit ng mga pekeng kumpanya sa kanilang aplikasyon.
“These foreign nationals’ applications were processed using the services of accredited entities, authorized to apply in behalf of the foreign nationals. However, through our audits, we discovered that the companies that petitioned them are spurious,” sabi ng BI chief.
Sa kabilang banda, nasa 79 accredited liaison officers ang nahaharap sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng nasabing racket.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng BI na natuklasan ang nasabing modus, dahilan upang magsagawa ng malawakang pagsisiyasat sa sinasabing pamamaraan.
Sinabi ni Tansingco na agad nilang iniulat ang usapin sa Department of Justice (DOJ), na nangakong tutulong sa imbestigasyon sa NBI.
Ayon kay Tansingco, ang visa ng naturang mga dayuhan ay kakanselahin at ang mga nasa bansa ay aatasang umalis at ilagay sa blacklist order.
Ang pag-audit ay kasunod matapos na magsagawa ng mga pagsalakay ang mga awtoridad at natuklasan ang mga scam hub at mga prostitusyon na nagpapanggap bilang mga lehitimong kumpanya.
“We are after aliens who falsify or misuse documents. Our drive against illegal aliens remain relentless, and we will continue to run after those who coddle such violators,” sabi ni Tansingco.
