People’s Survival Fund, magpapalakas sa pagpapatupad sa climate change adaptation ng mga LGUs — solon

Senador Loren Legarda

Ni NOEL ABUEL

Pinapurihan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang turnover ng People’s Survival Fund (PSF) sa mga local government unit beneficiaries.

Ayon sa senador, ito ay magpapatibay sa pagpapatupad sa kanilang mga programang pang-climate change adaptation habang ang bansa’y patuloy sa pagsisikap nitong maging disaster resilient.

“Ang PSF ay makatutulong sa ating local government units na isulong ang kanilang adaptation activities na may kaugnayan sa land at water resources management, agriculture at fisheries, health, infrastructure development, at natural ecosystems,” sabi ni Legarda.

“Ito rin ay makasusuporta sa improvement ng ating monitoring, controlling, at prevention ng diseases na dulot at dala ng climate change, ang paglulunsad at pagpapatibay ng ating forecasting at early warning systems, ay tuwirang pagpapalakas ng institutional development para sa ating local governments, at ng kanilang mga ipinatutupad na preventive measures, planning, preparedness, at management ng mga epekto ng climate change,” dagdag pa nito.

Si Legarda ang author at sponsor sa paglikha ng PSF noong 2012 sa pamamagitan ng Republic Act 10174, o ang People’s Survival Fund Act, na isang amendatory law ng RA 9729, o ang Climate Change Act ng 2009, na siya rin ang pangunahing author at sponsor.

Sinabi pa ni Legarda na matagal na nitong iginigiit ang masidhing pangangailangang suportahan financially ang disaster prevention efforts ng mga LGUs.

Ang pagpasa aniya ng RA 10174 ay maituturing isang tagumpay para sa mamamayang Pilipino at isang patunay sa paninindigan ng bansang makapagtatag ng mga pamayanang resilient sa hagupit ng mga sakuna.

Ang PSF ay isang special fund na nakapaloob sa National Treasury na nagkakahalaga ng isang bilyong-piso na taun-taong inilalaan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) para mapondohan ang mga programang pang-adaptation at mga proyektong nakabatay sa National Strategic Framework on Climate Change.

Ang mga donasyon, mga kaloob, mga gawad, at mga kontribusyon ay maaaring makadagdag sa pondo.

Noong ika-29 ng Nobyembre, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng PSF sa anim (6) na LGU sa Malacañang.

May kabuuang P541.44 milyong pisong halaga ng mga proyektong pinondohan ng PSF ang naipamahagi sa mga sumusunod:

  1. Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Mountain Province, na pinamumunuan ni Governor Bonifacio C. Lacwasan, Jr., na nakatanggap ng P271.15 milyon para sa pagpapatayo ng isang Climate Field School (CFS) para sa mga magsasaka;
  2. Ang Bayan ng Maramag sa Bukidnon, na kinatawan ng kanilang Mayor na si Jose Joel P. Doroma, ay nakatanggap ng P126.40 milyon para sa installation ng drainage at early warning systems pati na rin ang development ng agroforestry industry;
  3. Ang Local Government ng Lungsod ng Borongan, Eastern Samar, na kinatawan ng kanilang Mayor na si Jose Ivan Dayan C. Agda, ay nakatanggap ng grant na nagkakahalaga ng P117.96 milyon para sa installation ng embankment infrastructure at reforestation at enhanced flood control ng Ilog Lo-om;
  4. Ang Bayan ng Cabagan, Isabela, na kinatawan ng kanilang Mayor na si Christopher A. Mamauag, ay nabigyan ng P21.28 milyon para sa installation ng isang irrigation project;
  5. Ang Bayan ng Catanauan, Lalawigan ng Quezon, na kinatawan ng kanilang Mayor na si Ramon A. Orfanel, ay binigyan ng PSF funding na nagkakahalaga ng P2.64 milyon para sa kanilang Mangrove rehabilitation project; at
  6. Ang Bayan ng Besao, Mountain Province, sa pamamagitan ng kanilang Mayor na si Bryne O. Bacwaden, ay nabigyan ng grant na nagkakahalaga ng P2 milyon para sa kanilang Water Harvesting Structures Project.

Leave a comment