Sen. Cayetano suportado ang Phivolcs modernization

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng suporta si Senador Alan Peter Cayetano sa modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), partikular sa pagpapalakas ng hazard mapping ng bansa na tutulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pumili ng mas magandang lokasyon para sa paggawa ng mga imprastraktura.

“Hazard mapping will aid everyone doing construction, including… where to build and not to build new roads, where not to put more cisterns, where to fix everything,” sabi ni Cayetano na pinangunahan ang pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology sa Phivolcs Modernization Act.

Sumang-ayon si Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol at sinabi na kahit hindi kumpleto ang impormasyon, ginagamit na ng mga lokal na pamahalaan ang hazard maps ng bansa para sa kanilang comprehensive land use program.

Dagdag nito, humihiling din ang DPWH ng impormasyon sa lokasyon ng mga fault at kung saan itatayo ang mga cisterns.

Sinabi ni Cayetano na ang pagkumpleto ng hazard map ng bansa ay makatutulong sa pamahalaan sa programang pang-imprastraktura.

Binanggit nito na ang DPWH budget para sa imprastraktura ay tumaas mula P700 bilyon hanggang P1 trilyon sa nakaraang taon.

“Out of the P1 trillion sa DPWH budget ay P250 billion ay flood control. But if you spend P30-40 billion budget on hazard mapping that informs where not to build (and) which river to protect, you may not need P250 billion in flood control in the future,” aniya.

Sinabi ni Cayetano na bagama’t hindi ito nagdududa sa layunin ng DPWH na magtayo ng malalaking imprastraktura, dapat gamitin ng gobyerno ang agham na makukuha mula sa DOST at hindi maging reaksyonaryo lamang sa pagtatayo ng mga proyekto.

“We seem to be neglecting science. Reaction lang kasi after reaction ang paggawa ng daan at tinatabunan lang ang maling gawa sa isa,” wika ng senador.

Hinimok ni Cayetano ang gobyerno na bigyan ng tamang suporta at budget ang DOST dahil sa huli ay makakatipid ito ng pera para sa bansa.

“If you have a guide to build the infrastructure and save money, why not?” aniya pa.

Leave a comment