
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda ang Philippines’ National Adaptation Plan (NAP) at Nationally Determined Contribution Implementation Plan (NDCIP) sa high-level Dialogue sa Philippine Pavilion kaugnay ng ginaganap na 28th Conference of the Parties (COP28) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) sa Dubai, United Arab Emirates.
Sinabi ni Legarda, na isang UNFCCC National Adaptation Champion and Global Champion for Resilience, na napakahalaga ng NAP at ang NDCIP sa pagpapatibay ng low-carbon systems at technologies ng Pilipinas.
“Pinag-iisa ng ating NAP ang lahat ng available options na kinakailangan nating bigyan-prayoridad para matugunan ang climate risks sa ating rehiyon,” ayon kay Legarda.
“Kinikilala naman ng NDCIP ang ating priority policies at mga hakbangin upang makamit ang committed target na pagbabawas ng 75% ng greenhouse gas emissions,” dagdag ng senadora.
Ang Pilipinas ay ang most at-risk country sa buong mundo pagdating sa mga sakuna at climate change.
Maliban sa pagiging nasa loob ng Pacific Ring of Fire, kung saan mas dama at mas malala ang epekto ng mga lindol at paggalaw ng mga bundok, ang bansa ay laging apektado ng malalakas na mga bagyo at lubog sa banta ng rising sea levels dahil sa climate change.
Dahil dito, iginiit ni Legarda ang pangangailangang makamit ang mga layunin ng Paris Agreement na limitahan ang global warming ng hanggang 1.5 degrees Celsius at makakalap ng suporta para sa mga climate-vulnerable na bansa tulad ng Pilipinas.
“Ang agarang pangangailangan nating maka-adapt para pangalagaan at protektahan ang vulnerable populations at pagtibayin ang resilience sa loob ng mga pamayanan ay naging mas maliwanag. Mahalaga ang mitigation para mabawasan ang antas ng climate impacts, pati na rin ang pag-leapfrog sa low-carbon systems at baguhin ang uri ng ating pamumuhay,” paliwanag pa ni Legarda.
