OFW party list namahagi ng maagang pamasko

Ni NOEL ABUEL

Walang pagsidlan ng tuwa at saya ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa maagang pamasko ng iniregalo ng OFW party list sa pangunguna ni Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino.

Umabot ng nasa mahigit 200 katao ang masayang nakatanggap ng regalong grocery at cash prizes mula sa OFW party list sa ginanap sa Bida sa Kapaskuhan: A Friendly Basketball Match between Celebrities and OFW Families.

Nabatid na maliban sa regalo ay nagpaunlak din ang ilang artista para maglaro ng basketball sa Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila kung saan lalong nagsaya ang mga OFWs at kanilang mga pamilya.

Kabilang sa mga celebrity players na maglaro ng basketball sina Joross Gamboa, Onyok Velasco, Joko Diaz, Jason Abalos, JC Tuiseco, Mark Herras, Josepth Bitangcol, Matt Evans, at RJ Martinez.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Magsino na nais ng OFW party list na mapasaya ang mga OFWs at kanilang pamilya kahit sa isang araw lamang upang makalimutan ang kanilang problema sa buhay.

Sisikapin aniya ng OFW party list na gawing taun-taon ang nasabing okasyon bilang pasasalamat sa suporta kay Magsino at sa buong party-list group.

Leave a comment