Bagong uniformed personnel babawasan ng mandatory contribution — Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Pawang mga bagong miyembro lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police at iba pang uniformed services sa bansa ang magkakaroon ng bawas sa kanilang buwanang sahod para sa kanilang pensyon.

Ito ang sinabi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada base sa naging rekomendasyon ng pinamumunuan nitong Committee on National Defense and Security sa inilatag na substitute bill para sa panukalang reporma sa military and uniformed personnel (MUP) pension system na layong maiwasan ang pinangangambahan na fiscal collapse sa mga darating na taon.

“Ibig sabihin, anuman ang tinatanggap ng mga kasalukuyang pensyonado at kung anuman ang inaasahan ng mga kasalukuyang nasa aktibong serbisyo ay kanila pa ring matatanggap. Sa katunayan, para sa ilan sa kanila, ang retirement pay ay tataas pa ng limang porsyento,” sa pahayag ni Estrada sa. plenaryo.

“Hindi po gagalawin, hindi po babaguhin, at hindi po papakialaman ng isinusulong nating panukalang batas ang pensyon ng mga pensyonadong retirado. Wala rin pong magiging pagbaba sa inaasahang pensyon ng kasalukuyang mga nasa serbisyo,” pagdidiin pa ng beteranong mambabatas.

Ginarantiyahan din ni Estrada ang pagkakaroon ng mas matatag na sistema ng pensyon sa ilalim ng inihain nitong bersyon ng Senado sa pag-amiyenda sa batas.

Magkakaroon ng magkahiwalay na trust fund para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at para sa mga nasa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor) at mga commissioned officers sa National Mapping and Resources Information Authority (NAMRIA).

Ang trust fund ay pamamahalaan ng Government Service Insurance System (GSIS) at pangangasiwaan ng mga trust fund committee ng military at uniformed services.

Sa sandaling maging ganap na batas, ang mga papasok sa serbisyo sa military ay magkakaroon ng kontribusyon na magsisimula sa 7% ng kanilang base pay at longevity pay, samantalang 9% naman ang kabawasan sa sahod ng iba pang unipormadong serbisyo.

Dahil dito nasa 14% ang magiging ambag ng gobyerno sa mga nasa militar at 12% naman na kontribusyon sa ibang uniformed services para sa kanilang pension funds.

Kapag naisakatuparan na ang retirement pay ay tataas hanggang sa maximum na 90% ng base pay at longevity pay para sa lahat ng MUP, mula sa kasalukuyang 75% at 85%.

Bagama’t wala itong automatic indexation para sa mga bagong miyembro, magkakaroon pa rin ng taunang pag-a-adjust sa pensyon batay sa kondisyon ng fiscal o ekonomiya, sabi ni Estrada.

“Umaasa ako na ang kasalukyang Kongreso ang tutugon sa napakahalagang isyung ito na hindi lamang nakakaapekto sa fiscal position ng bansa kundi pati na rin sa katiyakan ng defense establishment at ng mga uniformed services, habang ang patuloy na usap-usapan ng reporma sa sistema ng pensyon ay nagdadala ng pangamba at kaba sa kanilang hanay,” pahayag pa ni Estrada.

Leave a comment