P200M pondo para sa reimbursement ng na-offload na pasahero ng BI iginiit ni Senador Escudero

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Senador Chiz Escudero na tatanggapin ng bicameral conference committee na tumutugon sa 2024 General Appropriations Bill (GAB) ang probisyong inilagay ng Senado na magbibigay-daan sa reimbursement ng mga Pinoy na pasaherong na-offload sa kanilang flights dahil sa matagal na interogasyon ng mga immigration officers sa pagkukunwari ng pakikipaglaban sa human trafficking.

Si Escudero, na nagmungkahi ng espesyal na probisyon sa 2024 budget ng Bureau of Immigration (BI) sa budget deliberations sa Senado, tama lang na bayaran ng gobyerno ang mahigit 32,000 apektadong pasahero noong 2022 na hindi nakasakay sa kanilang mga flight.

Bukod dito, sinabi rin ng beteranong mambabatas, ang panukalang pagbabayad ay hindi na mangangailangan ng karagdagang budgetary requirements dahil ang pera ay sisingilin laban sa mga kita ng BI mula sa mga koleksyon.

“Buo ang paniniwala ko na tatanggapin ito sa bicam dahil ang ginalaw ko lamang na pondo ay iyong 10 percent na nakokolekta ng Bureau of Immigration na hindi naman nila nagagamit at binabalik naman nila kada taon sa National Treasury,” ani Escudero.

“Ang overtime pay ng ating mga immigration officers, mga ibang gastusin ng BI para maayos ang kanilang computers, camera, etc. hindi ko naman po ginalaw iyun. So walang nabawasan, walang nasaktan. Ika nga, imbes na bumalik sa Treasury, eh ‘di ibigay na lang natin sa mga na-offload ng walang sapat na basehan,” aniya pa.

Ayon sa datos ng BI, may kabuuang 32,404 na pasaherong Pinoy ang hindi pinayagang tumuloy sa kanilang mga biyahe noong nakaraang taon, kung saan 472 dito ang napag-alamang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.

“Liwanagin ko lang, ito ay retroactive provision. Lahat ng mga na-offload sa nagdaang panahon, pwedeng mag-claim. Nasa sa BI na iyan kung ano ang ire-require nila sa mga pasahero? Ticket ba? Pruweba na inoffload sila, petsa dapat na sila ay umalis, magkano nagastos sa tiket, etc. Mga requirements iyan na pwedeng ipataw ng DOJ at BI,” pahayag ni Escudero.

Sinabi pa ng senador na ang Department of Justice (DOJ) at ang BI ay dapat maglabas ng dokumento na magsisilbing policy guideline o check list sa pag-screen ng mga papalabas na pasaherong Pilipino upang maprotektahan laban sa human trafficking.

“Dapat na magkaroon ng guidelines. Ano ba iyung mga dapat nilang hinahanap? Parang checklist na kumbaga, pag seven out of 10 sa listahan nakita nila as red flag sa pasahero ay offloaded ‘yan,” aniya pa.

“As soon as meron na silang patakaran, definite checklist kung sino nga ba ang ma-offload o hindi, iyon ang magtutulak sa kanila na gawin na yan ngayon na babayaran nila ang sinumang i-offload nila,” dagdag pa nito.

Umaasa si Escudero na hindi ibe-vito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing probisyon lalo na ang P200 milyon at maliit na bahagi ng P5.7-trillion budget ng gobyerno sa susunod na taon.

“Maliit na halaga lamang itong P200 million kaugnay sa ng mahigit P5-trillion budget ng pamahalaan at nakabase pa ito sa income ng BI, hindi nakabase sa bagong buwis na kokolektahin ng BIR (Bureau of Internal Revenue), kaya wala akong nakikita na masasaktan ang gobyerno rito sa ating panukala,” giit nito.

Leave a comment