
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan ang isang kongresista na ang paglaganap ng human trafficking sa bansa ay dahil sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa privilege speech sa plenaryo ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, sinabi nitong ang Pilipinas ay unti-unting nakikilala bilang sentro ng human trafficking sa mundo.
Aniya, hindi na lamang limitado ang paggalaw ng human traffickers syndicate sa pambibiktima ng mga kababayan sa labas ng bansa, kung hindi ay nililipat mismo ang sentro ng kanilang operasyon sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga POGOs na ginagamit na prente para sa iba’t ibang ilegal na mga aktibidad.
“Sa mga lambat at kamandag ng mga human traffickers na nakapaloob sa mga POGOs, nalalaglag at nagiging biktima ang ating mga walang kalaban-labang kababayan, lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs),” sabi pa ni Magsino.
Binanggit ng kongresista ang mga insidente ng pag-raid ng kapulisan at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga POGO sa Pasay, Parañaque, at Clark, Pampanga kung saan mga dayuhang Asyano at mga Pilipino ay diumano’y sapilitang pinagtratrabaho na may kaugnayan sa cyber scams at prostitusyon.
“Ang mga POGOs sa ating bansa na nasasangkot sa human at sex trafficking, at iba’t iba pang uri ng kriminalidad, ay patuloy na sumisira sa reputasyon ng ating bansa sa mata ng pandaigdigang pamayanan, nagbabanta sa kapayapaan at kaayusan ng ating lipunan, at nilalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga Pilipino at mga dayuhang lehitimong namumuhay at naghahanap-buhay sa ating bansa. Ano ang kabuluhan ng mga karagdagang pananalapi mula sa POGO sa kaban ng bayan kung ang kapalit ay hindi rin matatawarang social costs na dulot ng mga krimen na bunsod ng mga POGO? Walang katapat na halaga sa salapi ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mamamayan, at dignidad ng ating bansa,” sa pahayag ni Magsino.
Idinagdag pa nito na sa labas ng bansa, lumaganap din aniya ang pambibiktima sa mga Pilipino sa illegal recruitment at human trafficking – mga magkadugtong na krimen — sa pamamagitan ng mga social media platforms kung saan ineenganyo ang mga itong magtrabaho bilang mga call center agents sa Thailand, subali’t sa katotohana’y itinakas patungong Myanmar, Laos, at Cambodia at doo’y sapilitang pinagtrabaho bilang mga crypto scammers at dumanas ng pagmamalupit sa kamay ng dayuhang mafia at hindi makataong kalagayan ng pamumuhay at pagtratrabaho.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 196 na mga OFWs ang naging biktima ng human trafficking noong 2022 sa mga bansang Cambodia, Myanmar, Laos at Thailand. Kasama na dito ang mga nasagip at napauwing OFW mula sa Golden Triangle sa koordinasyon ng OFW Party List sa DFA at DMW.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), mula Enero ng taong 2022 hanggang Oktubre ng taong 2023, mayroong 335 na kaso ng illegal recruitment at 34 trafficking cases na hinawakan ang ahensya. Labing-isang kaso ng illegal recruitment ang naresolba subalit wala ni isa sa human trafficking cases.
Gayunpaman, ayon kay Magsino, mayroon nang mga hakbangin ang pamahalaan sa pagsupil sa human trafficking.
Ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ay nakatutok na sa pagsusuri at pagrebisa ng Guidelines on Departure Formalities for International-Bound Passengers at Guidelines on the Referral System Involving Trafficking in Persons Case.
Ang OFW party-list ay aktibong nakikilahok sa proseso ng pagrebisa ng mga panuntunang ito bilang observer sa loob ng OFW Task Force ng IACAT.
Kamakailan, ang DMW ay nagkaroon na rin ng memorandum of agreement (MOA) sa ilang mga local government units (LGUs) para paigtingin ang pre-employment orientation seminars sa mga nagbabalak maging OFW upang maibahagi ang tamang kaalaman kontra sa illegal recruitment at human trafficking.
Sa kanyang privilege speech, binanggit din ni Magsino ang mga kaso ng human trafficking na kanyang nadiskubre sa kanyang pagdalaw sa mga OFWs sa host countries.
“Ang OFW party list ay hindi lamang nagmamatyag sa mga hakbang ng ating mga ahensya laban sa human trafficking sa ating mga OFWs kung hindi tayo’y mismong dumadayo sa mga komunidad ng ating OFWs sa kanilang host countries upang makita ang kanilang sitwasyon, magdaos ng welfare check, at tumulong sa resolusyon ng kanilang suliranin, partikular sa illegal recruitment na kadalasang konektado sa krimen ng human trafficking,” saad pa nito.
Kamakailan ay nagtungo ang mambabatas sa South Korea at nakapulong ang mga OFWs doon sa isang dayalogo kung saan lumabas ang problema ng Filipino Seasonal Workers sa ilalim ng LGU to LGU agreements, na dumaranas ng mga labor violations na katumbas na ng illegal recruitment.
Sa pakikipag-ugnayan ng OFW party list, Embahada ng Pilipinas, at Migrant Workers Office sa South Korea sa ating Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Migrant Workers (DMW), ito’y nabibigyang solusyon na ayon kay Rep. Magsino.
Sa pagbisita ng kongresista sa United Arab Emirates, isa sa mga problemang napag-usapan kasama ang Konsulado at mga OFWs mula Abu Dhabi at Dubai, ay ang human trafficking sa ibang Household Service Workers.
Sa pagbisita nito sa Hawaii, nabatid naman ni Magsino ang kalagayan ng mga fisherfoks na nagtatrabaho sa mga Hawaii-based fishing vessels.
Sila’y walang hawak na US employment visas kung hindi ay nakapaloob sa isang special arrangement. Bagama’t regular ang welfare checks ng Konsulado at MWO sa kanila, sila’y restricted sa port at pinapayagan lamang makalabas kapag hindi maganda ang panahon o di kaya’y kailangan ng medical or consular services.
“Ang aking paninindigan laban sa human trafficking ay isang kritikal na aspeto ng aking adbokasiya na itaguyod ang kapakanan at ipaglaban ang karapatan ng ating mga OFWs. At sa lumalawak na bitag nito, lalo na sa loob mismo ng ating bansa sa prente ng mga POGO, mas kailangan natin magtulungan upang tuluyang masupil ang krimen na bumibiktima sa ating mga kababayan, at ngayon ay namumugad pa at nagbabanta sa kaligtasan ng ating mga komunidad,”saad pa ni Magsino.
