3 Pinay tourists naharang sa MCIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pinay na nagkunwang magbabakasyon sa Vietnam nang tangkaing lumusot sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong Pinay ay pawang biktima ng human trafficking at napigilang makalusot sa mga immigration officers sa MCIA bago pa makasakay ng Royal Air flight patungong Hong Kong noong Disyembre 2.

Ibinunyag ni Tansingco na ang mga naharang na biktima ay unang nagpakita ng kanilang mga sarili sa primary inspection bilang mga turista sa loob ng 4 na araw na paglalakbay sa Hong Kong.

Nang maglaon, inamin din ng mga ito na itinago ang kanilang tiket patungo sa Vietnam, kung saan sila ay nakatakdang sumailalim sa proseso ng pag-hire para sa isang kumpanya na ni-refer sa kanila ng isang kakilala.

Ang mga biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa tulong at karagdagang imbestigasyon.

Nagpahayag ng pangamba si Tansingco sa insidente at binigyang diin ang mga panganib na kaakibat ng hindi pagsunod sa mga tamang proseso at dokumentasyon ng mga Pinoy kapag naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

“It is crucial for aspiring overseas workers to undergo the right processes, secure the appropriate documents, and be cautious of schemes that exploit their vulnerability,” sabi nito.

“Remain vigilant and always seek the help of authorized agencies, especially amid the influx of international passengers who will be vacationing during the holidays,” dagdag pa ni Tansingco.

Leave a comment